SA pagkasawi ng apat na pulis at pagkasugat ng isa pa sa pananambang sa Davao del Sur, nagdeklara ng all-out war si Pangulong Digong laban sa New People’s Army (NPA). Ang mga NPA umano ang may kagagawan nito. Inatasan niya ang militar at pulis na ituloy ang pakikidigma laban sa mga ito. “Ipagagamit ko ngayon sa kanila ang lahat ng puwede nilang gamitin,” wika ng Pangulo. Nalulungkot ako, aniya, na kailangan mangyari ito. Puwede raw gamitin nila ang mga eroplano, jet at rocket laban sa NPA. Kung mayroon man mga sibilyan na madidisgrasya sa labanan bilang collateral damage, ayon sa kanya, pasensiya na sila.
Nang tanungin ng media ang Pangulo kung ito ay makakaapekto sa usaping pangkapayapaan ng gobyerno sa mga rebeldeng komunista, wala na raw peace talk. Pero, nasa Europa, aniya, ang mga negotiator ng magkabilang panig at lihim silang nag-uusap para buhayin ang negosasyong pangkapayapaan. Kaya naman pala, haggang ngayon ay wala pang reaksiyon ang NDF- CPP-NPA sa deklarasyon ng all-out war ng Pangulo. Marahil pinili muna nitong manahimik upang hindi makadagdag sa mga dahilan para hindi tuluyang mabalewala ang naumpisahan nang usapang pangkapayapaan. May naiulat na mga mahalagang puntong napagkasunduan na ng magkabilang panig at nasa isyu na sila ng socio-economic reforms. Katunayan nga, nang sitahin ang mga kaalyado ng NDF na nasa Gabinete ng Pangulo dahil hindi naririnig ang kanilang pagtutol sa Marcos burial sa Libingan ng mga Bayani, higit na mahalaga raw sa taumbayan ang pinag-uusapang social at economic reforms gaya ng... comprehensive agrarian reform.
Mabuti naman at nanahimik ang mga rebeldeng komunista sa all-out war declaration ng Pangulo. Counter-productive ito.
Sinubok na ito ni dating Pangulong Marcos noong kalakasan niya. Sa halip na maigupo ang kalaban at magkaroon ng kapayapaan sa bansa ay lalong naging magulo. Kasi, marami ang naipit sa gulo at upang maiwasan na sila ay mapahamak nagsilikas sila sa kanilang tirahan. Maraming inosenteng sibilyan ang napatay, dinukot o pinahirapan ng mga militar sa pag-aakala na sila ay kasama o katulong ng mga rebelde. Laganap ang paglabag sa karapatang pantao. Ginamit din ang giyera para mapalayas ang mga katutubo sa kanilang ancestral land para mamina at pakinabangan ng iba. Dahil walang mahingan ng tulong ang mga api at gutom, nilapitan nila ang Simbahan at mga armadong grupo. Nagsanib-puwersa ang mga ito at lumakas ang grupong nagsagawa ng armadong pakikibaka. Walang dahilan para hindi maulit ang kasaysayan dahil matigas ang ulo ng tao at ayaw limutin ang kanyang masamang nakaraan. (Ric Valmonte)