Itinalaga ni Pangulong Duterte si Narciso Santiago, Jr., ang asawa ng yumaong si Senator Miriam Defensor-Santiago, bilang Presidential Adviser for Revenue Enhancement.

Batay sa mga opisyal na dokumentong inilabas kahapon ng Malacañang, si Santiago ay may ranggong undersecretary.

Gaya ng kanyang asawa, ilang beses na ring naglingkod sa gobyerno si Santiago, kabilang na ang pagiging adviser for revenue enhancement ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo simula 2004 hanggang 2010.

Nagtapos sa University of the Philippines College of Law, si Santiago ay dating hepe ng Piers and Investigation Division ng Bureau of Customs noong 1988 hanggang 1992 nang magbitiw siya upang suportahan ang kandidatura sa pagkapangulo ng kanyang magbahay.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Naging undersecretary rin siya ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa administrasyon ni dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada noong 1999.

Bukod kay Santiago, itinalaga rin ni Duterte sina Taguig City Judge Louis Acosta bilang bagong Court of Appeals (CA) associate justice; dating Philippine Consul General to Hong Kong Bernardita Catalla bilang Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary to the Republic of Lebanon; J. Paolo Villa-Agustin Santos bilang bagong kasapi ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).

Itinalaga rin sina Vigan City Mayor Juan Carlo Medina, Batangas Gov. Hermilando Mandanas, at Quirino Gov. Junie Cua bilang mga bagong chairperson ng Regional Development Council ng National Economic and Development Authority (NEDA), sa Ilocos, Calabarzon, at Cagayan Valley. (Argyll Cyrus B. Geducos)