CAMP DANGWA, Benguet – Limang pulis ang nasugatan matapos silang tambangan ng hindi natukoy na bilang ng mga sinasabing miyembro ng New People's Army (NPA) sa Malanas Bridge, Barangay Poblacion, Malibcong, Abra, kahapon ng umaga.
Ayon kay Senior Supt. Angelito Casimiro, deputy regional director for operations ng Police Regional Office (PRO)-Cordillera, tinambangan ng mga rebelde ang isang platoon mula sa Provincial Public Safety Command ng Abra Police Provincial Office (APPO), na kasama ng convoy ni APPO Director Senior Supt. Alex Tagum.
Nasugatan sa ambush sina PO2 Jessie Trinidad, PO1s Marlon Dela Paz, Gerome Baldos, Kenton Sanggoy at Von Harold Layao.
Ayon sa mga report, dumadaan ang convoy sa tulay bandang 11:00 ng umaga nang sumabog ang isang improvised explosive device, na sinundan ng pamamaril ng mga rebelde.
Sinabi ni Senior Supt. Casimiro na ang tinambangang grupo ng mga pulis ay reinforcement sa himpilan ng Malibcong Municipal Police na sinalakay ng NPA dakong 7:30 ng gabi nitong Linggo at tinangay ang pitong M16 rifle, tatlong pistol at apat na cell phone ng mga pulis na naka-duty nang mga oras na iyon. (Rizaldy Comanda)