Patay ang isang konsehal ng Zamboanga City makaraang barilin ng hindi pa nakikilalang armado sa Recto, Maynila, nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ni PO3 Aldeen Legaspi, ng Manila Police District- Homicide Section ang biktima na si Embang Bonga, 50, ng Pantalan Street, Purok 1, Barangay Poblacion, Dimataling, Zamboanga Del Sur.
Base sa imbestigasyon, nagpunta si Bonga sa Maynila upang dumalo sa convention seminar ng Councilor’s League of the Philippines sa World Trade Center sa Pasay City.
Napag-isipan umano ni Bonga at kanyang anak na si Yasher, 28; kasama ang isa pang konsehal na si Reyham Lazaga, 28, na maglibot sa Roman Street sa Recto, Maynila upang bumili ng mga souvenir.
Habang naglalakad si Bonga at kanyang mga kasama sa nasabing lugar, biglang sumulpot ang suspek at pinaputukan sa ulo si Bonga.
Mabilis na isinugod ang biktima sa Justice Jose Abad Santos Hospital ngunit huli na ang lahat.
Inaalam na ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng suspek gayundin ang motibo sa pamamaril.
(ANALOU DE VERA at MARY ANN SANTIAGO)