HONG KONG – nangibabaw ang bagsik ng kamao ni Mark Anthony Geraldo kontra sa kababayang si Kenny Demecillo sa all-Pinoy duel para sa WBO Oriental bantamweight title nitong Sabado.

Muling naipamalas ni Geraldo, dating world ranked contender, ang bilis at katatagan sa dikdikang duwelo para pagbidahan ang laban na kabilang sa supporting bout sa title unification fight nina Rex Tso at Hirofumi Mukai sa WBO/WBC regional title.

Ibinigay ng mga hurado -- Samson Iu ng Macao ang (96-94), habang sina Mekin Sumon at Sungworn Klungboonkrung ay kapwa nagbigay ng 98-92. Ang referee ay si Sawaeng Thaweekoon ng Thailand.

Tinanggap ni Geraldo ang WBO Oriental bantamweight title mula kay WBO Asia Pacific chief Leon Panoncillo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ang 25-anyos na si Geraldo (34-7-3,15KO’s) ang tanging Pinoy boxer na nagwagi sa kasalukuyang IBF world super flyweight champion Jerwin Ancajas. Sa naturang tagumpay nakausad sa world ranking si Geraldo.

Matapos ang panalo kay Ancajas, tinalo ni Geraldo si Hirofumi Mukai via TKO sa Japan at noong 2014, pinabagsak niya si Mexican Efrain Perez sa Macao. Nagbabadya na ang world title para sa kanya, ngunit nabigo siya kay McJoe Arroyo via unanimous decision sa Puerto Rico.

Matikas din ang kampanya nang isa pang Pinoy sa undercard na si Rey ‘Delubyo’ Migreno, na kumana ng TKO laban kay Japanese Yuki Strong Kobayahsi sa loob lamang ng 23 segundo.

Umusad ang 30-anyos na pambato ng Misamis Occidental (24-20-4, 21 KOs) sa eight round super bantamweight bout sa Hong Kong Convention and Exhibition Center.