Bistado sa panloloko ang isang babae matapos nitong magbayad ng pekeng pera sa kanyang pinagkakautangan sa Caloocan City, nitong Sabado ng hapon.
Kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o illegal possession and use of false treasury or bank notes (counterfeit peso bills) ang isinampa laban kay Glenda Omelan, 27, ng Block 37, Lot 4, Dela Costa Homes, Phase 3, Camarin ng nasabing lungsod.
Ayon kay Elmer Segui, 48, negosyante, ng Block 20, Lot 6, Lawaan Street, Amparo Village, Barangay 179, Caloocan City, bandang 1:00 ng hapon ay nakipagkita sa kanya si Omelan upang magbayad ng P3,000 utang.
Napansin umano ni Segui na kakaiba ang kulay ng apat na pirasong P500 at isang P1,000 na ibinayad sa kanya ni Omelan.
Walang kamalay-malay ang suspek na nagtungo si Segui sa Police Community Precinct (PCP)-Station 5 upang siya’y ireklamo na naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto. (Orly L. Barcala)