NAPANATILI ng tambalan nina Peter Gabriel Magnaye at Alvin Morada, gayundin ang samahan nina Alyssa Ysabel Leonardo at Thea Marie Pomar ang kampeonato sa doubles open class ng 10th Prima Pasta Badminton Championship kamakailan sa Powersmash Courts sa Makati City.

Naitala nina Magnaye at Morada ang ikalawang sunod na titulo nang higitan ang tambalan ng kapwa national team member na sina Anton Cayanan at Joper Philip Escueta, 21-18, 20-22, 21-17, sa men’s finals ng taunang torneo na inorganisa ni Prima Pasta Chairman Alex Lim.

Naungusan naman nina Leonardo at Pomar ang tambalan ng kapwa nila RP member na sina Joella Geva Ramos Devera at Aires Amor Montilla, 21-19, 21-19, sa women's doubles open ng torneo na suportado rin ng Boysen Paints, Morning Star Milling Corporation., Mabz Builders, ILO Construction, Monolith Construction, Monocrete Construction, Pioneer Insurance, Promax International, Regent Foods Corp., Sunkist drinks at Del Monte Phils.

Sa iba pang resulta, nagwagi sina Kevin Llanes at Nestorjan Tapales kontra Munir Bartolome at Rey Angelo Pedron, 21-9, 18-21, 21-15, sa boys’ doubles 15-under title, habang nagwagi sina Anthea Marie Gonzales at Angel Valle laban kina Clara Sofia Ignacio at Nina Pantig, 21-4, 21-4, sa girls’ 15-under title.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ginapi nina Jeno Carino at Kurt Vincent Maghirang sina Agustin Alvarez at Ralph Batalon, 21-19, 21-19, sa boys’ doubles under-17 trophy, habang nangibabaw ang tambalan nina Anthea Marie Gonzales at Mica Ibong kontra Palma Assumpta Cruz at Alexis Nicole Santos, 21-11, 21-7, sa girls’ 17-under diadem.

Umabot sa 2,000 shuttlers ang sumabak sa weeklong tournament na sanctioned ng Philippine Badminton Association (PBA) at bahagi sa ranking system ng Philippine National Ranking System (PNRS).