MAY plano bang sumali sa Miss World si Ria Atayde? Ito kasi ang inireport ni Gretchen Fullido sa Star Patrol noong Biyernes, kaya nga raw nagpapayat ang baguhang aktres ng My Dear Heart.
Kaya nang abutan namin si Ria sa asalto dinner ng Daddy Art Atayde niya noong Biyernes, agad naming tinanong kung sasali siya sa beauty contest.
“Naku, tita, ewan ko ba kay Gretchen kasi po ang topic is about pagpapayat, kasi everyone knows naman na I’m chubby before, so since I’m in showbiz na, I have to lose weight kasi alam mo naman na tabain kami talaga, so talagang everyday workout ako as in three times a day talaga.
“Yung Miss World beauty contest, inaalok lang ako, pero hindi pa ako pumapayag kasi naman, di ba? Siguro po nabanggit lang ni Jonas Gaffud kay Gretchen kaya natanong ako,” paliwanag ng dalaga.
Tinukso namin si Ria tungkol sa titulo ng report ni Gretchen na ‘Chubby Kid’ sabay pakita sa mga litrato noong bata pa siya kasama ang mga kapatid na sina Arjo at Gela Atayde na pawang chubby kids din.
Naaalala tuloy namin ang kuwento ng nanay nilang si Sylvia Sanchez na hindi naman niya plinanong pag-artistahin ang mga anak niya dahil kung nakaplano raw, “Eh, di sana hindi ko sila pinabayaang kumain nang kumain kaya nagtabaan, sana kinontrol ko sila noon pa.
Hindi mo talaga alam ang plano ng Diyos, eh.”
Dagdag pa, “Saka sana pinilit ko silang puro Tagalog ang salita nila. ‘Di ba sa showbiz mass ka dapat, ayaw nila ng English nang English. Eh, mabuti na lang ang mga papel nina Arjo at Ria sa teleserye nila, eh, mayayaman kaya keri lang na English speaking sila. Pero kung mahirap, patay tayo d’yan.”
Malaki na ang ipinayat ni Ria pero kailangan pa rin daw niyang tumodo pa ng workout dahil medyo malaki pa rin siyang tingnan sa screen.
Tumutodo sa ratings game ang My Dear Heart, hindi binibitiwan ng mga manonood ang sagupaan ng mag-inang Gia (Ria) at Dra. Margaret Divinagracia (Coney Reyes) idagdag pa na pinagseselosan na ni Clara (Bela Padilla) ang doktorang ex-girlfriend ni Jude (Zanjoe Marudo).
At higit sa lahat, unti-unti nang gumaganda ang sitwasyon ni Heart (Nayomi Ramos) bagay na ikinatutuwa ng mga batang nanonood na ikinabahala naman ni Dr. Francis Camillus (Erik Quizon) dahil sa hospital niya empleyada si Dra. Gia, pero mas inaalagaan naman nito ang pasyente niya sa ibang ospital na pag-aari naman ng nanay niya.
Maraming pang aabangang kuwento sa My Dear Heart na nagtala ng 31.2%; 32.3% sa Rural at 32.4% sa Metro Manila noong Huwebes sa Kantar Media National TV Ratings. (Reggee Bonoan)