Patay ang isang babaeng working student na pinagsasaksak matapos gahasain ng limang suspek, kabilang ang dalawang babae, sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Senior Insp. Maricris Mulat, ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO)-Homicide Division, nasawi si Cherry Mae Dayo, 30, dalaga, ng Barangay San Juan, Balingasag, Misamis Oriental, na natutulog nang pasukin sa silid at i-gang rape sa CdeO.

Iniimbestigahan naman ng pulisya ang mga suspek na sina Warren Amarga, alyas “Amang”, 24; Joel Buna Unson, 22; Kevin Rey Andrada; Angel Mae Rada, 22; at Joan Escalante, 18, pawang taga-CdeO.

Sinabi ni Senior Insp. Mulat na ginahasa umano ng tatlong lalaking suspek ang biktima habang nanonood sa kanila ang dalawang babaeng suspek.

Probinsya

Paslit na may dalang ₱500, hinostage ng umano'y adik sa Marawi City

Batay sa imbestigasyon, nakatakbo pa si Dayo para magpasaklolo sa mga kapitbahay, na nagsabing bago binawian ng buhay ay sinabi ng biktima na ginahasa at sinaksak siya ng mga suspek.

Naisugod pa sa ospital ang biktima, ngunit binawian na siya ng buhay sa mga tinamong saksak sa katawan.

Samantala, bagamat inamin umano ni Amarga ang ginawang pagpatay sa biktima, itinanggi naman niyang ginahasa niya ito.

(Fer Taboy)