MAUUNAWAAN natin ang pagnanais ni House Speaker Pantaleon Alvarez na alisin ang mga kaalyadong partido, na pinamumunuan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, mula sa mga pangunahing posisyon sa Kamara de Representantes dahil sa pagboto laban sa panukalang nagbabalik sa parusang kamatayan.
Sa simula pa man ay nagbabala na siya na ang sinumang kokontra sa buong suporta ng partido sa nasabing panukala ay matatanggal sa kani-kanilang posisyon. Layunin ng hakbangin na matiyak na maipapasa ang panukala, isa sa dalawang pangunahing adbokasiya ng administrasyong Duterte bukod sa pagkakaroon ng federal na sistema ng pamahalaan.
Ngunit ngayong pumasa na ang panukala — sa nakalululang boto na 217 pabor, 54 na kontra at isang abstention — hiniling ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas kay Speaker Alvarez na pansamantalang isantabi ang planong alisin sa posisyon ang mga tumutol sa panukala, sa pangunguna ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na kasalukuyang deputy speaker ng Kamara.
Posibleng iginiit ni Speaker Alvarez na maipatupad ang una niyang desisyon, maaaring iniisip niyang masasalang sa alanganin ang kanyang salita. Ngunit lumusot na sa Kamara ang panukala at tiyak nang nakatulong rito ang nauna niyang banta. Sa kasalukuyan, inaatupag na ng Kamara ang iba pang mga usapin, napakarami pang labanan ang kailangang sabakan, at kailangan ng partidong PDP-Laban ng Speaker ang suporta ng lahat ng kaalyado nito sa super-majority na mga kasapi ng iba pang mga partido.
Dahil dito, mapagliliming may punto ang panukala ni Congressman Fariñas. Ang federalization bill ay nasa agenda ng Kamara, gayundin ang tax reform bill. Ang suporta ni Congresswoman Arroyo at ng kinabibilangan niyang Lakas-CMD ay mahalaga sa mga susunod na botohan, gaya rin ng suporta ng maraming pinuno ng mga komite na nais ni Speaker Alvarez na tanggalin sa puwesto, kabilang na si Batangas Rep. Vilma Santos-Recto ng House Committee on Civil Service and Professional Regulation, si Quezon City Rep. Jose Belmonte ng Committee on Land Use, at si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ng Committee on Natural Resources.
Para sa marami sa mga mambabatas na ito, ang pagboto nila sa panukalang nagbabalik sa parusang kamatayan ay nakabatay sa konsensiya. Para sa ilan, ito ay nakabase sa kagustuhan na manatiling bahagi ng pandaigdigang komunidad ng mga bansa na nagkasundo noong 2010 sa isang pandaigdigang tratado para sa isang moratorium sa mga pagbitay na layuning tuluyan nang tuldukan ang pagpaparusa ng kamatayan sa mundo.
Ang mga boto laban sa death penalty bill sa kabila ng banta ni Speaker Alvarez ay bunga ng kanilang matibay na paninindigan. Malinaw na handa silang bitiwan ang kanilang posisyon sa Kamara. Nakalulungkot kung ngayon pa mawawala sa kanila ang posisyon sa responsibilidad na nakaatang sa kanila.
Nais ni Speaker Alvarez na panindigan ang kanyang banta, ngunit desidido si Congressman Fariñas na umapela para sa status quo sa ngayon. Ito ay isang posisyon na para sa kanya ay importante sa mayorya, na pinamumunuan niya sa Kamara bilang majority leader. Itinuturing niya itong isang pangangailangan sa harap ng mga paparating na paghamon sa kapulungan.
Kung magkakasundo ang liderato ng Kamara na isantabi — pansamantala, kahit ngayon lang — ang desisyong patalsikin sa puwesto ang mga hindi bumoto sa panukala, hindi lamang ito para mapanatili ang katatagan ng kapulungan sa mga susunod na pagpapasa ng iba pang mga panukala. Ito rin ay pagkakaloob ng kaukulang respeto sa paninindigan nina Arroyo, Recto, at ng iba pa.