SA mga bansa sa daigdig at maging sa iniibig nating Pilipinas, ang Marso ay itinuturing na Buwan ng Kababaihan. At kapag sumapit na ang ika-8 ng Marso, makahulugang ipinagdiriwang ang International Women’s day o Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Ang Buwan ng Kababaihan ay isang magandang pagkakataon upang kilalanin ang mga Pilipina.

Isang grupo ang nangunguna sa pagpapahalaga sa kababaihan at ito ay ang Gabriela, isang samahan na nagtatanggol at nagmamalsakit sa kapakanan ng kababaihan.

Binibigyang-pugay ang kababaihan sapagkat malayo na ang kanilang narating at malaki ang naiambag sa pag-angat ng lipunan. Sa ating Bayang Magiliw, halos lahat ng sektor ng lipunan ay may mga babae na ang talino, kakayahan at potensiyal ay naging mahalagang ambag, bahagi at sangkap sa kaunlaran, sa paglilingkod sa bayan, sa mga kababayan at pamayanan. Masasabing ang kababaihan ay kabalikat lagi sa pag-unlad ng ating bayan.

Ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ayon sa kasaysayan ay nagsimulang ipagdiwang noong Marso 8, 1910 bilang pagkilala sa pakikipaglaban sa mga karapatan ng kababaihan. Hiniling ito ng isang German Labor leader sa katauhan ni Clara Zetkin sa mga kinatawan ng pandaigdigang kilusan. At noong 1977, nagpatibay ng isang resolusyon ang General Assembly ng United Nations. Nag-aatas sa mga bansa na ipagdiwang ang “International Women’s Day” tuwing ika-8 ng Marso. Ito ay sinimulang ipagdiwang ng Pilipinas noong Marso 8, 1971 kasabay ng pagtutol ng mga kilusan ng kababaihan laban sa kahirapan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa nagdaang panahon, napatunayan na narating na ng kababaihan ang antas ng pagkakapantay sa mga lalaki. Sa ehekutibong sangay ng pamahalaan, dalawang babae ang naging Pangulo ng Pilipinas.Sila’y sina dating Pangulong Cory C. Aquino at Gloria Macapagal Arroyo. Ang rehimen ni Pangulong Cory ay niyanig ng pitong kudeta. Ang rehimen ni Pangulong Gloria ay ilang beses tinangkang pabagsakin.

Sa Kongreso ay may mga babaeng kinatawan ng kani-kanilang distrito sa mga lalawigan at lungsod. Gayundin... sa Senado. Hindi na malilimot sina dating Senador Miriam Defensor Santiago, Jamby Madrigal , Nikki Coseteng, at Pia Cayetano. At ngayon ay sina Senador Cynthia Villar, Nancy Binay, Grace Poe, Loren Legarda, at Risa Hontiveros. May babae rin sa Korte Suprema tulad ni Chief Justice Maria Lourdes Serreno. May mga babaeng naging governor tulad nina Gov. Nini Ynares, ng Rizal; Ningning Lazaro, ng Laguna at Josie dela Cruz, ng Bulacan.

May kababaihang nangibabaw na rin sa pribadong sektor tulad sa academe, sining, negosyo, mass media (print at broadcast). May mga babae na rin sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP). At sa Philippine Military Academy (PMA), isang babae ang valedictorian at may pitong babae pa ang kasama sa top ten ng mga nagsipagtapos ngayong 2017.

Sa panahon ng ating mga ninuno, ang kababaihan ay naging bahagi ng pagningning ng kasaysayan ng Lahing Pilipino.

Matapat, marangal, matapang at dakila sa mga alamat. Hindi na malilimot sina Princesa Urduja, ng Pangasinan; Donya Maria Uray, ng Sorsogon at Donya Ana Clang, ang nagtatag ng Nagcarlan sa Laguna. Sa panahon ng panunupil ng mga Kastila, hindi malilimot sina Gabriela Silang, Ilocandia; Teresa Magbanua, ng BIsaya; Trimidad Tecson, ng San Miguel, Bulacan; Marcela Agoncillo, ng Taal, Batangas na tumahi ng ating Pambansang Watawat; Gregoria de Jesus, ang Lakambini ng Katipunan, at Melchora Aquino.

Mabuhay ang kababaihan! (Clemen Bautista)