BIRTHDAY month ni Maine Mendoza at mid-March na pero hindi pa rin natatapos ang birthday celebrations niya, sa Eat Bulaga, sa set ng teleserye nila ni Alden Richards na Destined To Be Yours, family birthday celebration, at maging sa taping ng TV commercial nila ni Alden ay may surprise birthday party pa rin.
May coming birthday celebrations pa ng tatlong grupo ng fans niya na naka-schedule sa Manila Hotel, sa Bonifacio Global City at sa isang beach.
Pero ang isa sa hindi malilimutang birthday celebration ni Maine ay naganap bago pa sumapit ang birthday niya noong March 2, nang makasama niya ang fans na hindi niya regular na nakikita sa Broadway studio, kundi fans na pinili mula Luzon, Visayas at Mindanao sa pamamagitan ng ini-endorse niyang CDO Funatastyk Young Pork Tocino.
Nagpa-contest sila sa pamamagitan ng “Maine’s Funtastyk Dares” sa Facebook gamit ang top-selling tocino sa ipinadalang phots at videos, na libu-libo ang sumali. Ang premyo sa top na napili -- na nagpakita ng most creative at naiibang entries -- bukod sa produktong ini-endorse ni Maine ay ang pagpunta nila ng Manila para maka-dinner date ang dalaga sa Lemuria Garden Restaurant.
“Natuwa talaga ako na binigyan sila ng chance na maka-dinner ako, mag-spend ng time na makipagkuwentuhan sila at magpa-selfie at group picture sa akin,” sabi ng Maine. “Isa sila talaga sa naunang sinurprise ako sa birthday ko. At tulad ng pagkagusto ko sa ini-endorse ko na pwedeng kainin anytime of the day, nakasisiguro akong kumakain sila ng 100% young pork tocino. Kaya salamat, sa lahat ng suporta ninyong ibinibigay sa akin sa lahat ng mga ginagawa ko at sa pagtangkilik ninyo sa mga produktong ini-endorse ko tulad nito.”
Isang way ng pasasalamat ng CDO ang pagdadala sa fans sa Manila mula sa iba’t ibang probinsiya sa loyal consumers nila. Balitang hindi ito ang huli, dahil magkakaroon pa ng susunod na events para sa mga fans and consumers nila.
Samantala, bukod sa mga bagong endorsements na ginagawa ngayon ni Maine, kaabang-abang din ang linggong ito para sa AlDub Nation at viewers ng Destined To Be Yours dahil makikita na ang bagong Sinag (Maine). Kung napanood siyang palabang anak nina Sally (Janice de Belen) at Teddy (Gardo Versoza), nabigo sa pag-ibig sa unang boyfriend na si Eboy (Mark Herras) at muling umibig kay Benjie (Alden), mukhang 360 degrees turn ang character niya.
Last week, nakita kung paano natutong umibig si Sinag kay Benjie, pero mukhang mabubuko na ang pagpapanggap ni Benjie na mahal niya si Sinag. Ito ang strategy niya para makuha ang lupa nina Sinag, kapalit naman ng pagtanggap sa kanya ng kanyang Lolo Vicente (Tommy Abuel) bilang isang Rosales.
Tiyak na iiyakan ang sakit na mararamdaman ni Sinag kapag nalaman niya ang totoo. Maging mas palaban kaya siya para sa kanyang pamilya at kalimutan ang pag-ibig niya kay Benjie? At ano ang magiging epekto nito kay Benjie?
Mula sa direksiyon ni Irene Villamor, napapanood ang Destined To Be Yours pagkatapos ng Encantadia. (Nora Calderon)