MALINAW na ang Taguig City ang may-ari at nakasasakop sa Bonifacio Global City (BGC) nang paboran ito ng Court of Appeals (CA) sa inilabas nitong desisyon nito lamang nakaraang Miyerkules laban sa Makati City – ang kasong tinagurian ng mga negosyante na labanang “David & Goliath” para mapasakamay ang bagong sumisibol na financial district sa Timog Kamaynilaan.

Natapos na rin ang halos 24 na taong pagpapatintero sa batas ng dalawang nag-aagawang siyudad at tuluyang maangkin ng Taguig ang BCG, ang sumisikat at dinarayong lugar ng mga taga-Metro Manila at Timog Katagalugan, lalo na ng malalaking mamumuhunang negosyante na naghahanap ng maunlad na lugar para sa kanilang itinatayong mga opisina at bagong negosyo.

Sa 17 pahinang resolusyon na isinulat ni Associate Justice Edwin Sorongon ng CA na inilabas nitong Marso 8, pinaboran ng appelate court ang motion to dismiss ng Taguig at pinagtibay ang desisyon ng Pasig Regional Trial Court dahil sa paglabag ng Makati sa “forum shopping rules” sa kaso ng pinag-aagawang BGC.

Sa palagay ko pa nga, parang sumobra ang tiwala sa sarili ng Makati City na kayang-kaya nila ang kaso kaya todo-pasa sila sa naging paglabag sa tinawag ng nakasulat na hatol – ang kanilang isinagawang “willful and deliberate forum shopping” at hindi sapat ang mga inihain nilang ebidensiya upang maipakitang ito ay bunga lamang ng kanilang “mere thoughtlessness or negligence.”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nagsimula ang pag-aagawan ng dalawang siyudad sa BGC noong 1993 nang maghain ang Taguig ng kaso sa Pasig RTC laban sa Makati. Pinaboran agad ng korte ang Taguig sa kasong ito noong Hulyo 2011. Dito naging kabi-kabila ang naging tugon ng Makati – halos magkakasunod at sabay-sabay na pagsasampa ng motion habang may mga nakabimbing pang kaso at apila sa CA. Nakita naman ng Taguig ang pag-abusong ito ng Makati sa sistema, kaya agad na naghain ng “forum shopping” sa Korte Suprema.

Siyempre pa, abot-tenga ang ngiti ni Mayor Lani Cayetano sa panalo nilang ito – sabay ang paglalahad ng kamay ng pakikipagkaibigan sa tinalong lungsod, upang umpisahan umano agad nila ang pagkakapit-bisig, para na rin daw sa kapakanan ng publikong pare-pareho naman nilang dapat pagsilbihan.

“Nais ng Taguig na makipagtulungan sa mga karatig nitong lungsod. Mayroon tayong pare-parehong mga hamon at kailangan ng publiko ang ating serbisyo. Matutugunan lamang natin ito kung tayo ay magtutulungan,” sabi ni Mayor Cayetano sa isang kalatas matapos malaman ang desisyon ng CA.

May pampakilig din siya sa mga negosyante sa BGC—sisiguruhin umano niya na patuloy ang mababang buwis, business-friendly at red tape free sa Taguig. Promise Mayor Lani, ha?

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)