DASMARIÑAS, Cavite – Patay ang isang drug suspect habang nasugatan naman ang isang operatiba ng Special Weapons and Tactics (SWAT) sa bakbakang sumiklab matapos ang habulan sa Barangay Paliparan II sa Dasmariñas, Cavite.
Kinilala ng Dasmariñas Police ang nasawing si Jay-Ar Martinez Padilla, 25, binata, residente ng Bgy. Paliparan II Road, na kaagad na nasawi sa mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nabaril naman sa binti si PO1 Jay Mark del Mundo Bago, miyembro ng Cavite Police Provincial Office-SWAT, at kaagad na isinugod sa De La Salle University Medical Center.
Nabatid na pinaputukan ni Padilla si Bago at ang iba pang miyembro ng SWAT matapos siyang pakiusapan ng mga ito na sumuko makaraang magkahabulan bandang 2:40 ng hapon nitong Sabado.
Ayon kay Chief Insp. Jay Icawat, hepe ng Mobile Patrol Unit (MPU), sangkot umano si Padilla sa bentahan ng ilegal na droga, gayundin sa ilang insidente ng pamamaril sa lalawigan. (Anthony Giron)