Pinakahihintay ng marami ang summer dahil napakaraming aktibidad ang maaaring gawin kapag maganda ang panahon at nakabakasyon sa eskuwela.
Kabilang sa mga paboritong gawin tuwing summer ang swimming, beach party, kitesurfing at iba pa.
Dahil dito, nagpaalala ang Department of Health (DoH) sa publiko tungkol sa anim na ‘S’ na mahalagang tandaan ng publiko ngayong summer.
Ayon kay Marilyn Convocar, director ng DoH-Western Visayas, ang anim na ‘S’ ay kinabibilangan ng Sunburn, Sore eyes, heat Stroke, Suka at pagtatae, Sipon at rabieS.
Kaugnay nito, ipinayo ng kagawaran ang madalas na pag-inom ng tubig, pag-iingat sa aso, at iwasan din ang magbabad sa init ng araw.
Ayon kay Convocar, kaagad na magpatingin sa doktor kapag nakaramdam ng sintomas sa alinman sa mga nabanggit upang kaagad na maagapan ito. (Jun N. Aguirre)