NAGBABALA ang China sa Amerika laban sa paglulunsad ng digmaang pangkalakalan, sinabing parehong magdurusa ang dalawang bansa kung tototohanin ni US President Donald Trump ang mga binitiwan nitong banta.

Ilang beses nang inakusahan ng bilyonaryong pulitiko ang China ng paggamit ng mga hindi patas na polisiyang pangkalakalan upang maagaw ang mga trabaho mula sa Amerika, at nagbantang gaganti sa pamamagitan ng malalaking taripa maliban na lang kung babaguhin ng Beijing ang estratehiya nito.

“A trade war is not in the interest of the two countries and the two peoples,” sinabi ni Chinese Minister of Commerce Zhong Shan sa mga mamamahayag sa mga kaganapang bahagi ng taunang pulitikal na pagtitipon ng China sa Beijing.

“It’s fair to say trade war will only cause pain without gains.”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Aniya, lumobo ang mga export ng Amerika sa China ng 11 porsiyento kada taon sa nakalipas na dekada, habang ang export ng China ay tumaas lamang ng 6.6 porsiyento sa kaparehong panahon, tinukoy na ang higanteng bansang Asyano ay pangunahin ding umaangkat ng mga produkto ng Amerika, gaya ng soybeans, sasakyan at eroplanong Boeing.

“This clearly shows that China and America are very important to each other,” sabi ni Zhong.

Nitong Huwebes, sinabi ng counterpart ni Zhong sa Amerika, si Wilbur Ross, na ang alitang pangkalakalan sa China at sa iba pang mga bansa ay ilang dekada nang nangyayari, ngunit ngayon lamang pumapalag ang Amerika.

Ang China ang pinakamalaking mangangalakal ng iba’t ibang produkto sa mundo. Binubuo nito ang $350 billion sa trade deficit ng Amerika, o kalahati ng kabuuan.

Ang babala ay ikalawa noong nakaraang linggo, kaya naman pumalag na ang China laban sa posibilidad ng digmaang pangkalakalan, sa harap ng mga lumilinaw na indikasyon na seryoso ang administrasyon ni Trump sa pagpupursige ng protectionist agenda.

Nitong unang bahagi ng Marso ay nagpadala ng liham sa Kongreso ang United States Trade Representative at inihayag na hindi direktang saklaw ang mga Amerikano ng mga desisyon ng World Trade Organization, na naging bahagi ang Washington nang itatag ito noong 1995.

Ang nasabing komento ay nagbunsod ng babala mula sa kagawaran ng komersiyo ng China na ang anumang pagtatangkang balewalain ang mga panuntunan ng organisasyon ay maaaring magresulta sa “repetition of the trade war of the 1930s”. (Agencé France Presse)