Naghain ng pormal na reklamo ang mga empleyado ng Tourism Promotions Board (TPB) laban sa chief operating officer (COO) nitong si Cesar Montano, inilista ang 30 “iregularidad” na umano’y ginawa ng aktor at ng grupo nito.
“This is to formalize the concerns and complaints of the employees of the Tourism Promotions Board against its Chief Operating Officer Cesar D. Montano on the following irregularities committed by him and his team in the performance of his duty,” saad sa liham na pirmado ng “Concerned employees of TPB” at isinumite sa Presidential Action Center (PACE).
Sa pitong-pahinang reklamo, inakusahan si Montano sa pagpasok sa multi-milyon pisong kasunduan nang walang wastong rekomendasyon at pag-apruba mula sa board; pagkuha ng sarili niyang mga tauhan — na kanyang mga kaibigan at kaanak — na ang tungkulin ay pareho lang ng mga kasalukuyang empleyado; at paggamit ng pondo ng taumbayan para gastusan ang personal niyang mga biyahe.
Kabilang sa mga idinetalye ang pag-apruba umano ni Montano sa ilang kontrata, kabilang ang rally sa Luneta, kung saan inaprubahan niya ang sponsorship ng P16.5 milyon sa isang production company; at ang P12-milyon sponsorship ng JaDine United States and United Arab Emirates Concert Tour 2017.
Sa huling bahagi ng kanilang liham, iginiit ng mga kawani ng TPB na magtalaga ng bago at mahusay na pinuno ang board.
(Charina Clarisse L. Echaluce)