CABANATUAN CITY - Nagpahayag ng matinding pagtutol ang mga leader ng grupong magsasaka sa pagkakatalaga ni Pangulong Duterte sa isang dating mataas na opisyal ng militar bilang kapalit ng sinibak kamakailan na si National Irrigation Administration (NIA) Chief Peter Laviña.
Ayon kay Joseph Canlas, chairman ng Alyansa ng mga Magsasaka sa Gitnang Luzon (AMGL), labis nilang tinututulan ang pagtatalaga kay dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Ricardo Visaya bilang kahalili ni Laviña.
“Hindi dapat malagay d’yan (NIA) ang mga umano'y sangkot sa mga pagpatay sa mga magsasaka, lalo na ang mga nakasama noon ni dating Gen. Jovito Palparan,” giit ni Canlas.
Tinukoy ni Canlas ang dating Army general na si Palparan na kasalakuyang nakakulong kaugnay ng pagkamatay nina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy, at pagkawala nina Sheryln Cadapon at Karen Empeno sa panahong pinamumunuan nito ang 7th Infantry Division ng Army sa Fort Magsaysay sa Palayan City.
Dahil dito, susugod ngayong Lunes sa NIA Central Office sa Quezon City ang mahigit 100 militante mula sa Central Luzon upang ipahayag ang pagkontra nila sa appointment ni Visaya sa ahensiya. (Light A. Nolasco)