“IBALIK ang capital punishment at bibitayin ko ang mga lima o anim na kriminal araw-araw,” pagmamalaki ni Pangulong Digong. Totoo ito, aniya. Pero, kay Buhay Rep. Lito Atienza, imposible na magagawa niya ito kahit maipasa ang batas na nagpapataw ng parusang kamatayan. Kulang daw ang anim na taon niyang termino para magawa ang “judicial execution”.

Pagkapasa ng batas, ayon kay Atienza, nangailangan ng anim buwan ang Department of Justice para gumawa ng bagong Manual of Execution. Eh, malamang na kuwestiyunin ito sa Korte Suprema bukod sa kasong constitutionality na isasampa laban mismo sa batas. Ayon din kay Atienza, kahit maipasa ang batas sa Hunyo, magkakaroon lang ng bitayan sa konserbatibong pagtaya sa 2022, matatapos na ang termino ng Pangulo.

Disyembre ng nakaraang taon nang ipangako ni Pangulong Digong iyong pagbitay araw-araw kapag ibinalik ang parusang kamatayan. Lima o anim na kriminal ang sinabi niyang kanyang bibitayin. Hindi ba dapat pagkaupong-pagkaupo niya ay inasikaso na niya ang pagkakaroon ng batas na nagbabalik sa death penalty?

Napakadali niyang kumbinsihin ang mga mambabatas noon. Kasi, pagkapanalo niya ay naglipatan na sa kanyang partidong PDP-Laban ang mga mambabatas sa mataas at mababang kapulungan ng Kongreso. Kalakasan at kabanguhan niya, na normal na nangyayari sa ating pulitika sa mga nagwawagi pagkatapos ng halalan. Kaya nga lang, ginamit ng Pangulo ang kanyang popularidad sa pagpatay ng mga taong itinuring niyang kriminal at sangkot sa droga. Hindi sa araw pumapatay ang mga alagad ng batas kundi sa gabi o madaling araw at sobra pa sa lima o anim ang kanilang napapatay araw-araw. Hindi na kailangan ng Pangulo ang batas para gawin niya ang pagbitay.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Bakit pagkatapos na makapatay ng mahigit 8,000 katao na halos lahat ay mga dukha, eh kinakailangan pa niya ang death penalty? Bakit inaapura na nga ng kanyang mga kaalyadong mambabatas ang pagpasa ng batas na ibinabalik ang parusang ito, eh binuhay na naman ang operation “Tokhang at Double Barrel”?

Ang pagpatay kailanman ay hindi paraan para masugpo ang krimen. Hindi kailanman nararapat na ilagay ng kahit sino sa kanyang kamay ang batas. Kaya, ang pagbabalik ng death penalty ay nagpapakita lang na bigo si Pangulong Digong sa mga paraang ginagamit niya para tuparin ang kanyang pangakong magagapi niya ang krimen sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan.

(Ric Valmonte)