“Hindi kami aalis dito!”

Ito ang pagmamatigas ni Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) Secretary General Carlito Badion matapos na salakayin at okupahan ng kanyang grupo ang mahigit 4,000 housing unit ng gobyerno sa Pandi Villages 2 at 3 sa San Jose del Monte City sa Bulacan nitong Biyernes.

Ayon kay Badion, determinado silang ipagtanggol ang mga inokupahan nilang pabahay.

“Mananatili at mananatili kami [rito]. Handa kaming idepensa ‘yung mga pabahay na inokupa namin,” ani Badion.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Katwiran ni Badion, halos 10 taon nang nakatiwangwang ang nasabing mga pabahay na dapat lang, aniya, na pakinabangan ng mahihirap, partikular dahil nagbabayad din naman sila ng buwis sa pamahalaan.

Una nang inihayag ng National Housing Authority (NHA) na ang mga pabahay sa lugar ay nakalaan sa mga walang bahay na miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP).

Paliwanag ni NHA Spokesperson Elsie Trinidad, muli silang nagtakda ng pag-uusap sa pagitan ng mga miyembro ng Kadamay at ng ahensiya upang maresolba ang usapin, kasunod ng bigong paghaharap ng magkabilang panig nitong Biyernes.

Ayon kay Trinidad, kung hindi pa rin aalis ang mga umokupa sa mga housing unit sa loob ng pitong araw ay mapipilitang magpatupad ng eviction order ang NHA. (Rommel P. Tabbad)