03112017_FIRE1_ROMERO_1 copy

Binalot ng makapal na usok ang Tondo, Pasig at Makati City makaraang sumiklab ang naglalakihang apoy, iniulat kahapon.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Maynila, tinatayang aabot sa 80 pamilya ang nawalan ng bahay nang lamunin ng apoy ang kani-kanilang tahanan sa Capulong Street, kanto ng Raxabago St., sa Tondo, bandang 10:07 ng umaga kahapon.

Sa inisyal na ulat ni SFO2 Edilberto Cruz, posibleng ilegal na koneksiyon ng kuryente ang pinagmulan ng sunog na umabot sa ikaapat na alarma bago tuluyang naapula dakong 12:17 ng tanghali.

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

Samantala, sa Pasig City, naabo ang tatlong abandonadong gusali at dalawang bahay, kahapon ng umaga.

Ayon kay Fire Inspector Allan Floresca ng Pasig Fire Department, dakong 6:49 ng umaga nagsimula ang sunog sa tatlong gusali na matatagpuan sa Calinangan St., kanto ng C. Raymundo St., Bgy. Caniogan at tuluyang nadamay ang dalawang katabing bahay.

Mabilis umanong kumalat ang apoy, umabot sa ikalawang alarma, sa tatlong bodega na pag-aari ng Super Globe Incorporated dahil sa mga nakaimbak na kahoy.

Hindi rin nakaligtas sa lagablab ng apoy ang Makati City kung saan 10 bahay ang natupok nitong Biyernes ng gabi.

Sa inisyal na ulat ng Makati Fire Department, dakong 5:00 ng hapon nagsimula ang apoy sa barracks ng mga construction worker sa New Golden City Builders, Tumbaga Compound, Osmeña St. dahil sa napabayaang sinaing.

Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog bago naapula bandang 6:15 ng gabi.

Tinatayang aabot sa P100,000 at P500,000 ang halaga ng ari-ariang natupok sa Tondo at Pasig City habang inaalam pa ang sa Makati City. (Mary Ann Santiago at Bella Gamotea)