INDIAN WELLS, Calif. (AP) — natikman ni Andy Murray ang nakagigitlang kabiguan sa opening match ng BNP Paribas Open sa kamay ng karibal na world ranked No.128 na si Vasek Pospisil ng Canada, 6-4, 7-6 (4) Sabado ng gabi (Linggo sa Manila).
Sa labis na kasiyahan bunsod ng pinakamalaking panalo sa kanyang career, naihagis ni Pospisil ang raketa at napaluhod sa center court. Ang naunang pinakamalaking panalo niya sa career ay nang magwagi ng doubles title sa Wimbledon kasama si Jack Sock ng US noong 2014.
Walang pagsidlan ang kasiyahan ng Canadian. Hindi siya masisisi bunsod ng katotohanan na si Murray ang world No.1. kampeon ng tatlong Grand Slam, dalawang Olympic singles gold medal at may kinitang US$55 milyon sa career.
Tulad ni Murray, maaga ring sumuko ang mga seeded na sina No. 7 Jo-Wilfried Tsonga, No. 19 Ivo Karlovic at No. 30 Feliciano Lopez.
Taliwas ang resulta ng laro ni Murray sa matikas na pagbalikwas ni Venus Williams mula sa tatlong match point para maisalba ang laro kontra Jelena Jankovic, 1-6, 7-6 (5), 6-1 nitong Sabado.
Nagwagi naman si Madison Keys kay Mariana Duque-Marino 6-1, 7-5, sa pagbabalik-aksiyon mula nang maoperahan sa kanang kamay nitong Oktubre.