KAPANALIG, ang ating mundo ay mabilis na nagbabago. Kung hindi tayo marunong yumakap ng inobasyon, adaptasyon at pagbabago, hindi tayo makasusulong.
Ang bilis ng teknolohiya na sabay sa pagbabago ng klima ay nagdadala ng maraming hamon sa ating buhay, kahit pa nasaang ibayo ka ng mundo.
Nabago na ng teknolohiya ang ating pang-araw-araw na buhay. Binago na nito ang ating trabaho. Marami nang posisyon ang nalikha ngayon na ni hindi natin napangarap noong mga nakaraang taon. Sino ba ang nag-aakala na mangangailangan tayo ng mga eksperto gaya ng social media specialist, app developer, data miner, o big data architect?
Hinuhulma rin ng climate change ang ating buhay. Sa pag-init ng mundo, ang ating food production ay naapektuhan. Ang pabagu-bagong klima, ang lumalakas na mga bagyo, ang humahabang tagtuyot, at ang mahahabang panahon ng pag-ulan ay nagdudulot ng mga sakuna na malaki ang pinsala sa mga sakahan.
Ang mga natural disaster na gaya nito ay malaki rin ang hamon sa pang-araw-araw nating buhay dahil hindi lamang food production ang napipinsala. Malaking banta rin ito sa ating buhay, sa siyudad man o rural. Kahit ulan lamang ngayon, dahil sa lakas at haba nito, ay binabaha na ang mga siyudad at bulabugin ang buhay ng tao. Kaya nitong lubugin sa baha ang mga sakahan sa sandaling panahon lamang.
Sa panahon ngayon, napakahalaga ng inobasyon at adaptasyon o pagbagay sa panahon. Higit pa sa kalahati ng populasyon ngayon ng mundo ang nakatira sa mga siyudad. Sa mga siyudad, mas ramdam ang pagbabago ng teknolohiya, pati ang epekto ng climate change. Ayon nga sa earthday.org, habang lumalaki ang urban population at lumalala ang epekto ng climate change, kailangan nating mag-adapt o makiayon. Kailangan nating mamuhunan para sa energy efficiency at renewable energy. Kailangan nating isaayos ang ating mga siyudad.
Ang Metro Manila ay isang mega city na kailangan ng revival at rehabilitation. Ang dami ng sasakyan sa EDSA na kada araw ay hindi lamang traffic ang dulot. Dala din nito ay carbon emissions na nagpapalala ng climate change. Dala rin nito ang polusyon na sumisira sa ating kalusugan. Ayon sa sa datos ng MMDA, 520,000 sasakyan ang dumadaan sa EDSA kada araw. Ngunit 160,000 lamang ang kapasidad nito kada isang direksyon. Kung ganito araw-araw, talo tayo. Mapag-iiwanan tayo.
Tayo ay tinatawag ng Panginoon na maging “Stewards” o tagapamalakaya ng lahat ng nilikha. Bilang stewards, tayo dapat ay mapanuri- discerning ika nga. Ayon nga ng Global Climate Change: A Plea for Dialogue, Prudence, and the Common Good: “True stewardship requires changes in human actions—both in moral behavior and technical advancement.”
(Fr. Anton Pascual)