PINAG-USAPAN ng mga katoto sa isang showbiz event ang paghingi ni Gabby Concepcion ng napakataas na talent fee para sa reunion movie nila ni Sharon Cuneta.
“Nagtaka si Gabby kung paano lumabas ang tungkol sa talent fee, eh, sa production lang naman niya iyon sinabi kaya hayun, ang lolo mo, nagalit na,” sabi ng isang katoto. “Kaya malabo nang matuloy ang movie nila ni Sharon. Kaya ang lola Sharon mo, tumanggap na ng indie film for Cinemalaya.”
“Siyempre pagkakataon na ni Gabby na mag-quote ng mataas na talent fee kasi alam din naman niyang magagamit din sila ni Sharon sa isyu,” hirit ng isa pang katoto. “Saka walang masyadong pinagkakakitaan lolo mo ngayon.”
Nakakahinayang naman kung hindi na nga matutuloy ang naturang project dahil ang dami-daming fans ng Sharon-Gabby tandem na gustong silang mapanood ulit sa malaking telon.
Sayang nga raw dahil kung kailan okay na okay na sina Gabby at Sharon ay saka naman nagkaproblema ang reunion movie dahil sa P10 million talent fee na asking price ng aktor.
Aba’y nakakagulat naman talaga kung totoong sampung milyon nga ang hinihingi ni Gabby, dinaig na niya sina Vice Ganda, Piolo Pascual at John Lloyd Cruz na top money-maker ngayon ng Star Cinema. (Reggee Bonoan)