NAKATANGGAP kamakailan ng 64 na bangka na gawa sa fiber glass ang mahihirap na pamilyang mangingisda sa bayan ng Culasi, Antique, na naapektuhan ng super typhoon ‘Yolanda’ noong 2013, upang makatulong sa kanilang pamumuhay.
Pinangunahan nina Antique Governor Rhodora J. Cadiao; Erwin Ilaya, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources provincial officer; at Nicolasito “Nick” Calawag, hepe ng Office of the Provincial Agriculture, ang pamamahagi ng mga bangka.
Inihayag ni Allette Gayatin, senior aquaculturist sa Office of the Provincial Agriculture, sa isang panayam na ipinamahagi ang mga bangka sa mga mangingisda sa bayan ng Culasi bilang bahagi ng AHON program ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Ang bawat mangingisda na nakatanggap ng motorized boat ay tinukoy ng lokal na pamahalaan bilang pinakamahihirap sa kanilang sektor.
Sinabi rin ni Calawag na magtutungo si Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol sa Antique sa Huwebes, Marso 16, para muling mamahagi ng 60 fiber glass boat sa mahihirap na mangingisda na benepisyaryo ng Fish-R program ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Ipamamahagi rin ang mga bangka sa bayan ng Culasi. Sampu sa mga tatanggap nito ay mula sa bayan ng Tibiao, lima mula sa Sebaste, at 10 mula sa Libertad. Ang mga natitirang bangka ay ipamamahagi sa mga mangingisda ng Culasi.
Paghahatian ng dalawang nakatanggap na mangingisda ang bawat bangka upang mas maraming mangingisda ang makinabang.
Bukod sa mga bangka, may dalawang rainwater collector ang ipagkakaloob sa asosasyon ng mga mangingisda sa Maningning, Culasi, at apat sa Caluya.
Ibibigay din ang anim na fish aggregating device o “payaos” sa asosasyon ng mga mangingisda sa Libertad, Anini-y at Tobias Fornier.
Dagdag ni Gayatin, ipamamahagi ang mga bangka, rain water collector, at fish aggregating device alinsunod sa kahilingan ng gobernador kay Department of Agriculture Assistant Secretary Hansel Didulo noong Marso 3. Dumalo rin ang opisyal sa pagpupulong, na dinaluhan din ni Senador Loren Legarda. (PNA)