BATAN, Aklan – Daan-daang katao ang dumagsa kahapon upang makiisa sa paghahatid sa huling hantungan sa pinaslang na volunteer doctor na si Dr. Dreyfuss Perlas, sa kanyang bayan sa Batan, Aklan.

Dumalo sa misa ang kanyang mga kababayan at nakibahagi rin sa pagmamartsa hanggang sa sementeryo.

Karamihan ay nakasuot ng itim bilang panawagan ng hustisya para kay Perlas, habang ang mga bata namang nakipaglibing ay nagwagayway ng puting maliliit na watawat.

Naroon din, siyempre, ang mga kaanak at kaibigan ng volunteer ng Doctor to the Barrio program ng Department of Health (DoH) na binaril at napatay habang sakay sa kanyang motorsiklo sa Sapad, Lanao Del Norte nitong Marso 1.

National

Ayaw na paabantehin? Benny Abante, mas bet expulsion kay Kiko Barzaga kaysa suspensyon

Dumalo rin sa libing si DoH Assistant Secretary Eric Tayag upang igawad sa pamilya ni Perlas ang tropeo para sa “Bayani ng Kalusugan” award.

“He’s a national hero of health,” sabi ni Tayag.

Bago pa man bumaha ang pakikiramay ng nagsipaglibing kahapon, una nang bumaha sa Lanao del Norte ilang araw na ang nakalipas—bumaha ng pizza.

“Noong nasa Lanao kami para kuhanin ang labi ni Dreyfuss, may nagpadala ng kahun-kahong pizza,” kuwento ng ama ni Perlas, si Batan Councilor Dennis Perlas.

Iilan lang ang nakababatid na bata pa lamang ay paborito nang kainin ni Dr. Drey ang pizza.

“Ang sabi sa ‘kin, ‘yung mga pizza ay galing sa isa sa mga shop na madalas bilhan ni Dreyfuss. ‘Yun (mga pizza) daw ay bilang pasasalamat sa aking anak,” sabi pa ng konsehal. (Jun N. Aguirre)