Siniguro kahapon ng Malacañang hindi hinihikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng war crimes kasunod ng naging pahayag nito kamakailan na “anything goes for now” pagdating sa pakikipaglaban ng gobyerno sa communist insurgency.

Ito ay matapos sabihin ng Human Rights Watch (HRW) na ‘frighteningly’ magkahawig ang naging pahayag ng Pangulo sa kanyang paghikayat sa drug-related killings.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, kinakailangang maintindihan ng mga tao kung saan nanggaling ang Pangulo, at nagawa na rin nitong humingi ng tulong sa mga lokal na opisyal upang matuldukan ang gulo sa Mindanao.

“Unang-una po, intindihin natin kung saan po talaga nanggagaling ang Presidente. Like recently, nagpahayag nga siya na…humihingi siya ng tulong at sabi niya, huwag tayong lalamya-lamya kumbaga,” aniya sa isang panayam sa radyo.

National

Ayaw na paabantehin? Benny Abante, mas bet expulsion kay Kiko Barzaga kaysa suspensyon

HINDI NAIINTINDIHAN

Samantala, sinabi ni Abella na hindi naiintindihan ng ibang bansa ang kalagayan ng Pilipinas.

“Hindi po naiintindihan siguro ng ibang [bansa] ‘yan ‘no dahilang developed sila, iba ‘yung kanilang kalagayan,” ayon kay Abella.

Ang tinutukoy dito ni Abella ay ang naginga pahayag kamakailan ng European Union (EU) Commissioner for Trade Cecilia Malmström na siguro’y panahon na para pag-aralan ng 28-nation bloc ang pakikipag-ugnayan sa Pilipinas sa oras na magkaroon ng bisa ang penalty bill.

Ayon pa sa Palace official, naging malalim ang pinagdaan ng Pangulo sa pagharap sa kurapsiyon, krimen at problema sa ilegal na droga.

“Malalim-lalim ang hinaharap niya, andami niyang hinaharap na mga challenges lalo na ‘yung mga increasing na terrorist acts sa Mindanao,” sabi ni Abella.

“Hindi naman pwedeng pabayaan ng gobyerno na madiskaril sa kanyang (mga plano) lalo na sa mga threats ‘no. Kasi parang threat ‘yan ng mga international communities sa atin eh ‘no katulad nung sa EU,” dagdag niya.

Ayon kay Abella, posibleng hindi nauunawaan ng ibang bansa ang nangyayari sa ‘Pinas.

“Hindi nila siguro maarok, hindi nila maintindihan,” pagtatapos ni Abella. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)