SA huling dalawang okasyon na dinaluhan ni Pangulong Duterte ay nilinaw niya ang anumang posibleng hindi pagkakaunawaan sa ugnayan ng Pilipinas sa China, ang higante nating kapitbahay sa hilagang kanluran.
Maaaring napagwagian natin ang ating kaso sa Arbitral Court sa Hague, na nagbasura sa pag-angkin ng China sa halos buong South China Sea, sinabi ng Presidente kay Chinese Ambassador Zhao Jianhua sa Malacañang, ngunit mas mahalaga sa ngayon ang pag-ibayuhin ang mabuting ugnayan ng dalawang bansa. Nagkaloob ang ambassador ng mahigit 50 portable radio kay Communications Secretary Martin Andanar alinsunod sa kasunduang pangkomunikasyon na nilagdaan noong nakaraang taon.
Nauna rito, sa pulong ng mga negosyanteng Filipino-Chinese sa Davao City, sinabi ng Pangulo na walang silbi na igiit ng Pilipinas ang pag-angkin sa mga teritoryo nito sa South China Sea sa ngayon. Wala na sa usapin ang digmaan, aniya.
Kalaunan ay magkakaroon ng akmang panahon para idulog ang usapin tungkol sa pasya ng Arbitral Court “ngunit hindi sa ngayon”.
Nilinaw ng Pangulo ang paninindigang ito kasunod ng naging reaksiyon ng China sa pahayag ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay, Jr. na nagpahayag ng pagkabahala ang mga foreign minister ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa napaulat na “militarisasyon” ng China sa South China Sea. Kasunod nito, kinansela ng isang opisyal sa kalakalan ng China ang pagbisita nito sa Maynila.
Nakatakdang dumalo si Pangulong Duterte sa “One Belt, One Road” summit sa Beijing sa Mayo. Kabilang siya sa mga pinuno ng ilang bansa na maglalatag ng mga programang pang-ekonomiya na layuning muling pasiglahin ang sinaunang Silk Road na minsang nag-ugnay sa China sa Asya sa silangan at Europa naman sa kanluran. Sa Beijing, muling makakaharap ng Pangulo si Chinese President Xi Jinping.
Ngayong hindi na balakid ang naging pahayag ni Yasay tungkol sa ASEAN, inaasahan natin ang mas mabungang ugnayang pang-ekonomiya ng bansa sa China, gayundin sa ating mga karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya. Gaya ng binigyang-diin ng Pangulo, magkakaroon ng tamang panahon sa kanyang termino upang talakayin ang naging desisyon ng Arbitral Court pabor sa atin, ngunit sa ngayon ay mas mainam na isulong ang mga pagsisikap na kapwa pakikinabangan natin sa larangan ng kalakalan at komersiyo.