DIREK VINCENT ELAINE AT MONSOUR copy

NIYAYA kami ni Katotong Alwin Ignacio sa last shooting day ng Blood Hunters: Rise of The Hybrids sa Morong, Bataan nitong nakaraang Martes. Sa dating Philippine Refugee Processing Center, na Bataan Technology Park na ngayon, ang location.

Nagulat ako na bagamat indie, American producers pala ang financiers nito. At intended for international release ang pelikula.

Nalaman namin sa kuwento ng veteran line producer na si Elaine Lozano na vision ng 8-Time Fil-Am Muay Thai World champion na si Vincent Soberano ang pelikulang Blood Hunters under IndieGo Pictures at RSVP Film Productions.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“Gumawa ng short film si Vincent titled Blood Hunters at isinali niya last year sa Cinemax HBO Action Film Competition and the Urban Showcase & Expo sa New York. Siya ang nanalo ng Best Short Film at suwerteng napanood ito ng American producers na na-impress nang husto at nag-encourage sa kanya na gawin na itong full length movie,” kuwento Elaine.

Si Vincent Soberano ang sumulat ng script, nagdidirihe, at nagbibida sa pelikula kasama si Monsour del Rosario na kasabay pala niyang nag-umpisa sa martial arts noong eight years old pa lang sila sa kanilang hometown sa Bacolod City.

Ngayong may sapat na puhunan, malawak ang vision ni Direk Vincent para sa Blood Hunters. May gusto siyang patunayan sa Hollywood.

“They’ve used Filipino martial arts in blockbuster action films like John Wick, Jason Bourne, Franskenstein, and a huge list of other films. But no one knows its Filipino because its always portrayed by Hollywood stars. It’s about time I did,” sabi ni Vincent.

Gusto rin nina Vincent at Monsour na ma-inspire na magkaroon ng strong character at fighting spirit ang ating kabataan sa pamamagitan ng kanilang pelikula. Layunin ni Vincent na mailarawan sa buong mundo ang pagiging “powerful and formidable warriors” ng mga Pilipino.

Ipinagmamalaki niya na unique at hindi pa napapanood sa anumang pelikula ang martial arts action sequences sa Blood Hunters. Titimbangan niya ito ng ancient Filipino folklore and supersitions kaya mayroong aswang, kapre, duwende, diwata, at iba pang Pinoy supernatrural creatures. Perfect blend para sa kanya ang cultural, martial arts, at fantasy action film.

Makakasama nila ni Monsour bilang lead actress ang American-Chinese actress/martial artist na si Sarah Chang, ganoon din si Roxanne Barcelo at si Ian Ignacio.

Ang Japanese na si Takeyuki Onishi ang kanilang cinematographer at sa Korea ang kanilang post production works.

Target nilang matapos ang Blood Hunters: Rise of The Hybrids bago matapos ang taon, maisali at maipalabas sa 2017 Metro Manila Film Festival bago ito maipalabas sa international audience. (DINDO M. BALARES)