MULA sa payak na Operation Tokhang na ang layunin ay katukin ang bahay ng mga pinaghihinalaang drug dealer, pusher at user upang pakiusapang sila’y magbago at iwasan ang bawal na droga, ito ngayon ay naging Project Double Barrel Reloaded matapos suspendihin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon nang masangkot ang mga pulis sa “Tokhang for Ransom”. Naging kaunti ang napapatay nang ito’y ipatigil.

Nais ni Mano Digong na linisin muna ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang hanay ng pulisya na ginagamit ang Oplan Tokhang sa extortion, kidnapping for ransom at iba pang kawalanghiyaan na nagbibigay batik sa imahe ng PNP. Napahiya si Pres. Rody nang kidnapin at patayin mismo sa loob ng Camp Crame ang negosyanteng Koreano na si Jee Ick-Joo na hiningan pa ng P5 milyong ransom ang ginang ng biktima gayong patay na pala.

Sa muling paglulunsad ng operasyon laban sa illegal drugs ng Duterte administration na nakapatay na ng umano ng mahigit 7,000 drug dealer, pusher at user, sinabi ni Gen. Bato na ang Oplan (Project) Double Barrel Reloaded ay hindi na magiging madugo tulad ng orihinal na Oplan Tokhang. Nangako si Bato na ito ay magiging “Kindler, gentler campaign.”

Sa flag-raising ceremony sa Camp Crame noong Lunes, inihayag niya na muling ilulunsad ang giyera sa droga na tatawaging Project Double Barrel Reloaded (PDBR), magiging kakaiba sa unang operasyon sapagkat ito ay hindi magiging madugo kundi man maging bloodless. Ayon sa kanya, ang PDBR o “Tokhang Part 2 Revisited” ay tatargetin naman ang high-value drug suspects matapos ang tamang “revalidation.” Sige, ang itumba naman ninyo ay mga mayaman at sikat na drug lords/suppliers.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Umani ng pagbatikos ang Operation Tokhang nina PDu30 at Gen. Bato dahil sapul noong Hulyo, 2016 hanggang nitong huling linggo ng Pebrero, 2017, karamihan sa binaril at napatay ng mga tauhan ng PNP sa kanilang buy-bust operations ay ordinaryong nakatsinelas na pushers at users. Wala man lang daw big-time drug lords/suppliers o high-value drug suspects na mga Pilipino at Chinese na nahuhuli at binabaril.

Upang maiwasan ang walang patumanggang pagbaril sa mga suspect sa katwirang nanlaban daw, ang bagong Drug Enforcement Group (DEG) ay bubuo ng grupo na magsasagawa ng police anti-drug operations, kasama ang chief of police ng nasabing lugar, ang barangay captain at isang pari o kinatawan ng Simbahan.

Lumilitaw ngayon na basta bigyan ng oportunidad ang mga babae, kayang-kaya nila ang ano mang propesyon, bokasyon, trabaho o gawain ng mga lalaki. Pinatunayan ito ng walong babae na magtatapos sa Philippine Military Academy (PMA) Class 2017. Sa 167 PMA graduates, pinangunahan ni Rovi Mairel Valino Martinez, 23, ang kanyang “mistahs” bilang valedictorian.

Si Martinez ay kabilang sa walong babae sa Top 10 ng PMA Class Salaknib, isang Ilocano term, na ang kahulugan ay “defense” o pagtatanggol. Ang Salaknib ay nangangahulugan ng “Sanggalang ay Lakas at Buhay Para sa Kalayaan ng Inang Bayan.” Dalawang lalaki lang ang nasama sa Top 10. Sila ay sina Philip Modesto Viscaya ng Ligao, Albay na salutatorian, at Carlo Emmanuel Manalansan Canlas ng Lubao, Pampanga, 5th placer.

Ibinalik ni Pres. Duterte ang tradisyon na i-promote ang insiders sa halip na outsiders sa Supreme Court kaiba sa ginawa noon ni ex-Pres. Noynoy Aquino na ang hinirang ay outsiders. Hinirang niya si Sandiganbayan Assoc. Justice Samuel Martirez, kapalit ng nagretirong SC Assoc. Justice Jose Perez. Si Martirez ay sumuporta sa SC ruling na nagpapahintulot sa burial ni ex-Pres. Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

May mga sapantahang sumusulpot ngayon na kung kaya nais ng administrasyon na “bisitahin” ang mga kaso ni Janet Lim-Napoles tungkol sa P10-billion pork barrel scam, ay upang isangkot si Sen. Leila de Lima sa anomalya. Ayon sa ulat, sinabi ni Napoles na tinangka siyang kikilan ni De Lima, noon ay DoJ Secretary. Humanda ka Sen. Leila sa panibagong pagsasangkot sa iyo kay Napoles. (Bert de Guzman)