ENRILE, Cagayan – Hindi napapawi ang pagkabagabag ng mga magulang sa hindi natatapos na umano’y pagsanib ng masasamang espiritu sa mga estudyante sa isang high school sa Enrile, Cagayan—at 50 pang estudyante ang sinasabing sinaniban noong nakaraang linggo.
Nakasaad sa Facebook post ng Cagayan Information Office na may 50 estudyante ng Enrile Vocational High School (EVHS) sa Barangay Maddarulug, Enrile, ang sinapian umano ng masasamang espiritu sa school compound nitong Marso 8.
Nabatid na mga estudyante sa Grades 8, 9, at 10 ng EVHS ang pawang hinimatay nitong Miyerkules.
Dahil sa matinding takot, ilang estudyante ang hindi na pumapasok sa kanilang mga klase, habang nababahala na rin maging ang mga guro sa ilang insidente ng umano’y sapi.
Matatandaang Disyembre ng nakaraang taon nang sapian umano ang pitong estudyante ng paaralan.
Namumutla umano ang mga estudyante at hindi magawang buhatin dahil sa sobrang bigat.
Kumonsulta na ang ilang magulang sa pastor, at humingi ng dasal laban sa umano’y masasamang espiritu.
(Liezle Basa Iñigo)