Labing-limang kotse, sinasabing tinangay ng sindikatong “rent-sangla”, ang narekober ng mga tauhan ng Anti-Carnapping Unit ng Quezon City Police District (QCPD) sa isang compound sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Police chief Insp. Hector Ortencio, nadiskubre ang mga sasakyan sa pamamagitan ng global positioning system (GPS) na nakakabit sa isang Mitsubishi Montero na pag-aari ng biktimang si Baltazar Garcia Reyes, 37, ng San Ildefonso, Bulacan.
Nagtungo umano si Reyes sa QCPD para humingi ng tulong sa paghahanap ng kanyang sasakyan hanggang sa natunton nila ito, kasama ang 14 pang sasakyan, sa loob ng isang compound na pag-aari umano ng isang Teddy Lim sa Banaue at Katindig Street, Barangay Donya Josefa, Quezon City.
Sa pahayag ni Lim sa mga pulis, isinangla umano sa kanya ang mga sasakyan. (JUN FABON)