BILANG pakikibahagi sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan, tampok sa Maalaala Mo Kaya ngayong gabi ang isang kuwentong nag-viral sa social media tungkol sa isang inang sinikap pagsabayin ang kanyang pag-aaral at pagiging ina para sa kinabukasan ng kanyang pamilya.
Galing sa mahirap na pamilya, sinikap ni Vin-zl (Erich Gonzales) na makapagtapos ng pag-aaral para guminhawa ang kanilang buhay lalo na at nabuntis ang isa sa kanyang mga kapatid.
Ipinangako niya sa kanyang sarili na kailanman ay hindi siya gagaya sa kanyang kapatid. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay mabubuntis din siya ng kanyang nobyong si Red (Geoff Eigenmann) kaya napilitan siyang tumigil sa pag-aaral.
Gayunpaman, hindi lumamig kailanman ang kanyang hangaring makapagtapos. Kaya nang manganak siya, lubos siyang sinuportahan ng kanyang asawa at ama na ipagpatuloy ang naunsiyaming pag-aaral sa kolehiyo.
Sa kanyang pagbabalik-eskuwela, paano niya mapagsasabay ang pag-aaral at pagiging ina ni Vianca (Krystal Crooks) lalo na’t kailangan niya itong isama sa school? Alin sa dalawa ang mas mapagtutuunan niya ng pansin?
Makakasama nina Erich at Krystal sa upcoming episode sina Andrea del Rosario, Michael Flores, at Ynna Asistio, mula sa panulat nina Mae Rose Balanay at Arah Jell Badayos at sa direksiyon ni Raz de la Torre.