KASALUKUYANG nasa Berlin ang Department of Tourism para pangunahan ang pinakamalaking delegasyon ng Pilipinas sa pangunahing tourism trade fair sa buong mundo, ang Internationale Tourismus Borse (ITB Berlin) sa Germany.

Ayon sa Department of Tourism, idaraos ngayong taon ang ITB Berlin, sa Marso 8-12, na ang unang tatlong araw ay ilalaan sa travel at trade professionals.

Ang ITB Berlin ay dinadaluhan ng mga nangungunang travel trade company sa buong mundo at mga pangunahing decision maker, eksperto, mamimili at kabataang propesyunal mula sa iba’t ibang organisasyon upang makipag-network, makipagnegosasyon, at makipagnegosyo.

Kasalukuyang nasa Berlin si Tourism Secretary Wanda Teo at iba pang mga opisyal ng Department of Tourism, kabilang ang sangay ng marketing nito, ang Tourism Promotions Board (TPB), na nagbukas ng 276-metro kuwadradong booth sa dambuhalang Messe Berlin.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Dumalo rin sa okasyon si Camarines Sur Governor Miguel Luis Villafuerte, na personal na nangasiwa sa booth ng CamSur Water Sports Complex para hikayatin ang mga bisita ng ITB na subukin ang magagandang destinasyon sa probinsiya.

Nasa 14 na tour operator at 14 na hotel at resort mula sa Pilipinas ang abalang-abala sa buong araw, mula sa pagbubukas at pagsasara nito, para ma-accommodate ang mga bisita mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Regular na lumalahok ang Department of Tourism sa ITB Berlin sa nakalipas na tatlong dekada.

Samantala, inihayag ni Secretary Teo na nasa lima sa 28 Philippine exhibitor ngayong taon ang unang beses na naging bahagi ng ITB.

Sinabi rin ng Kalihim na ang paglahok ng Pilipinas ay isang indikasyon ng pagdami ng mga turistang bumibisita sa Pilipinas mula sa Europa.

Inilarawan ni Secretary Teo ang expo bilang “a must-attend business-to-business event” dahil pinahihintulutan nitong maitampok ng mga organisasyong pangturismo sa buong mundo ang kani-kanilang tourism destination, trade product at service at package sa iba’t ibang merkado. (PNA)