MINNEAPOLIS (AP) — Hataw si Andrew Wiggins sa natipang 24 puntos, tampok ang dalawang free throw sa huling 12.8 segundo para sandigan ang Minnesota Timberwolves sa pahirapang 103-102 panalo kontra Golden State Warriors nitong Biyernes (Sabado sa Manila).
Nag-ambag si Ricky Rubio ng 17 puntos at 13 assist, habang kumubra si Karl-Anthony Towns ng 23 puntos para sa ikaanim na panalo ng Timberwolves sa huling walong laro at patibayin ang kampanya para sa No.8 sa Western Conference playoff race.
Nanguna si Klay Thompson sa Warriors sa naiskor na 30 puntos, habang patuloy ang malamyang outside shooting ni Stephen Curry para matikman ng warriors ang ikalawang sunod na kabiguan at ikaapat sa anim na laro na wala ang na-injured na si Kevin Durant.
Naitumpok ni Curry ang 26 puntos mula sa 10-for- 27 sa field at 1-for-8 sa from 3-point range. At namintis niya ang 18-footer sa krusyal na sandali na nagpanalo sana sa Warriors.
ROCKETS 115, BULLS 94
Sa Chicago, ratsada si James Harden sa naiskor na 19 puntos, 13 assist at pitong rebound sa panalo ng Houston Rockets kontra Bulls.
Nag-ambag si Ryan Anderson ng 21 puntos para makaiwas ang Rockets sa unang three-game losing streak ngayong season.
Humarbat si Dwyane Wade ng 21 puntos para sa Bulls.
HAWKS 105, RAPTORS 99
Sa Atlanta, ginapi ng Hawks, sa pangunguna ni Dennis Schroder na kumana ng 26 puntos, ang Toronto Raptors.
Ratsada si DeMar DeRozan ng 28 puntos para tanghaling unang Raptors sa kasaysayan ng prangkisa na umiskor ng 11,000 career points.
Kumawala si Paul Millsap na may 21 puntos at tumipa si Tim Hardaway Jr. ng 20 puntos para sa Atlanta.
BUCKS 99, PACERS 85
Sa Milwaukee, tumipa sina Greek star Giannis Antetokounmpo at Khris Middleton ng tig-21 puntos sa panalo ng Bucks kontra Indiana Pacers.
Nanguna si Paul George sa Pacers sa nasalansan na 18 puntos at 11 rebound.
Sa iba pang laro, ginapi ng Denver Nuggets ang Boston Celtics, 119-99; nanaig ang Washington Wizards sa Sacramento Kings sa overtime, 130-122; pinataob ng Charlotte Hornets ang Orlando Magic, 121-81; giniba ng Dallas Mavericks ang Brooklyn Nets, 105-96.