KUNG paano hinahati ng isyung parusang kamatayan ang bayan, ganito rin ang ginagawa ng isyung pagmimina. Nasaksihan ko ito nang subaybayan ko sa telebisyon ang pagdinig ng Commission on Appointments (CA) sa confirmation ng appointment ni Gng. Gina Lopez bilang Secretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Hindi gaya ng pagdinig sa confirmation ni Perfecto Yasay bilang Foreign Affairs secretary, naging madugo ang kay Sec. Lopez.

Kasi, kay Yasay, sarili niya ang kalaban niya. Sumumpa siya sa CA na kahit kailan ay hindi siya naging U.S. citizen gayong pinabubulaanan ito ng mga dokumeno. Dahil sa kanyang pagsisinungaling, ibinasura ang kanyang confirmation.

Samantala sa confirmation ni Sec. Lopez, maraming grupo ang tumutol at dininig silang lahat ng CA. Pero, kung marami man sila, higit na marami ang nag-eendorso sa kanyang appointment. Ang mga nagsalita laban kay Lopez ay binubuo ng mga nagmimina, eksperto, at mga katutubo na naninirahan sa mga minahan. Sila iyong higit na nakikinabang sa pagmimina. Kaya makitid at makasarili ang kanilang argumento.

Mabuti at binigyan ng TV live coverage ang pagdinig sa confirmation ni Lopez. Malaki ang naitulong nito sa nakapanood kung ano ang matapang na ipinaglalaban ni Lopez para pangalagaan ang kapaligiran at kayamanan ng bansa.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ipinasara niya ang 23 minahan at kinansela ang 75 mineral production sharing agreement. Kasi naman, hindi na nga sila sumusunod, nilalabag pa nila, ang mga panuntunang itinatakda ng batas na nag-aatas ng responsible mining.

Ipinakita ni Lopez, sa pamamagitan ng video footage, ang nangyari sa kapaligiran sa panahong nagmimina at pagkatapos iwanan ang lugar. Kinalbo ang kabundukan, sinira ang mga taniman, pinalabo at pinababaw ang karagatan. Kapag umulan, malalaking bato at malakas na agos ng tubig at putik mula sa kabundukan ang dumadaloy sa tinitirhan ng mamamayan, malapit man o malayo sila sa minahan.

Ang dahilan ng mga katutubong tinututulan ang confirmation ni Lopez ay mawawala raw ang benepisyong natatanggap nila mula sa minahan tulad ng eskuwelahan, medical clinic, ambulansiya at trabaho na nagpaganda raw sa kanilang bahay.

Pero, mumo lang ang nababahagi nila sa kayamanan ng ating bansa.

Ayon kay Lopez, 82 porsiyento ng kinikita ng mining industry na nagkakahalaga ng P35.5 bilyon ay napupunta lang sa bulsa ng mga negosyante. Bakit hindi ito matamasa ng mga komunidad na nahaharap sa lahat ng disgrasyang dulot ng pagsira sa kalikasan? Sa isyu ng pagmimina, tama si Lopez, resolbahin ito sa paraang maikakalat ang kayamanan ng bansa sa lahat at pakikinabangan pa ng mga susunod na henerasyon. (Ric Valmonte)