ITINUTUON ni Michael Buble ang lahat ng kanyang panahon para maalagaan ang anak na nakikipaglaban sa cancer.
Umatras kamakailan ang crooner sa pagho-host ng Juno Awards – katumbas ng GRAMMYs sa Canada – na gaganapin sa susunod na buwan -- para ipagpatuloy ang pag-aalaga sa kanyang tatlong taong gulang na anak na si Noah.
Papalitan si Buble ng Canadian comedian na si Russell Peter at pop singer mula Ontario na si Bryan Adams. Nitong Enero, umatras din si Buble sa pagho-host ng BRIT Award sa London.
Sinuportahan ng Bell Media, ang network broadcasting sa likod ng nalalapit na Juno Awards, ang desisyon ni Buble sa isang pahayag na inilabas sa press nitong Huwebes.
“Our thoughts continue to be with Michael,” saad ni Michael Cosentino, senior VP of content and programming ng Bell Media. “We respect his ongoing commitment to his family and look forward to working with him again in the future.”
Inihayag ni Buble at kanyang asawa na si Luisana Lopilato ang balita tungkol sa diagnosis sa kanilang anak sa isang Facebook post noong Nobyembre.
“We are devastated about the recent cancer diagnosis of our oldest son Noah who is currently undergoing treatment in the U.S.,” ayon sa mag-asawa. “We have always been very vocal about the importance of family and the love we have for our children.”
Nitong Pebrero, nagbahagi ng positibong update ang mag-asawa tungkol sa kanilang anak at sinabi na si Noah ay “been progressing well during his treatment.”
“The doctors are very optimistic about the future for our little boy,” anila sa pahayag. “He has been brave throughout and we continue to be inspired by his courage.” (ET Online)