INIHAYAG nitong Lunes ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Amando M. Tetangco, Jr. na hindi niya nakikita ang pangangailangang baguhin ang interest rates ng Pilipinas sa harap ng inaasahang pagtaas ng US rates ngayong buwan. Gayunman, masusing nagsasagawa ng monitoring ang BSP sa sitwasyon, pagtitiyak niya, at handang magpatupad ng anumang kinakailangang hakbangin sa policy meeting nito sa Marso 23.
Nagkomento ang gobernador sa mga pandaigdigang kaganapan na nagsisimula nang makaapekto sa Pilipinas sa pinakakritikal na paraan — sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Simula nang ihayag ng US Federal Reserve ang plano nitong magtaas ng interest rates, mabilis na pumabor sa dolyar ang mga equities investor sa iba’t ibang dako ng mundo.
Nagbunsod ito sa pagbaba ng halaga ng piso at ng iba pang non-US currencies. Dahil dito, tumaas ang inflation rate — sa madaling salita, tumaas ang presyo ng mga bilihin. Ito ay dahil ang mahinang piso ay nangangahulugan ng mas mataas na halaga ng lahat ng inangkat na produkto sa presyong dolyar—partikular na ang petrolyo para sa ating mga sasakyan at para sa ilang planta ng kuryente, bigas at iba pang inaangkat na pakain, mga sasakyan at mga bahagi ito, at iba pang inangkat na makina.
Ang halaga ng piso, na may kaugnayan sa dolyar, ay tuluy-tuloy na bumababa — mula sa P46 sa kada dolyar sa maraming buwan, na naging P49, hanggang maging P50, at umabot na sa P51 kada dolyar ngayong buwan. Nakabawi naman ito sa P50.27 nitong Martes, ngunit sa pag-aaral ng Metrobank Research ay inaasahang papalo sa P51.30 ang halaga ng ating pera kontra dolyar.
Kalaunan, bunga ng pagbabago ng palitan ng piso sa dolyar, ang inflation rate — o ang presyo ng mga bilihin — ay lumobo sa 3.3 porsiyento, taun-taon, ngayong Pebrero, mula sa 2.7 noong Enero. Ito ang pinakamabilis tumaas na inflation rate sa nakalipas na 27 buwan, ayon sa Philippine Statistics Authority.
Ang pagdausdos ng halaga ng piso ay pangunahing isinisi sa pagtaas ng halaga ng dolyar. Sinabi ng ilang analyst na ang mga nangyayaring pulitikal sa Pilipinas ay maaaring may epekto sa negatibong sentimyento sa merkado — ang mga pagpatay dahil sa kampanya kontra droga, ang iginigiit na hindi nagmamaliw na kurapsiyon sa ilang ahensiya ng gobyerno, at maging ang kawalang-katiyakan sa sitwasyong pangseguridad sa South China Sea.
Mahirap tukuyin ang tunay na sanhi ng pagbaba ng halaga ng piso at ang pagtaas ng inflation. Masusing sinusubaybayan ng BSP ang sitwasyon, gayundin ng mga tagapangasiwang pang-ekonomiya ng pamahalaan. Ang inaasahang paghahayag ng US Federal Reserve ng mas mataas na halaga ng dolyar ang pangunahing sanhi ng problema, ngunit dapat na maging alerto tayo sa iba pang posibleng dahilan sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at gawin ang lahat ng kinakailangang pagwawasto upang matugunan ito.