ANG pagpatay sa mga boluntaryo – yaong mga kababayan natin na kusang-loob na naglilingkod sa iba’t ibang panig ng kapuluan – ay walang alinlangang naglantad sa kakulangan at kapabayaan ng mga alagad ng batas sa pagkakaloob ng seguridad sa nabanggit na grupo. Maliwanag na nagiging dahilan ito upang tabangan at tuluyang tumanggi ang ating mga volunteer group sa pagkakaloob ng medical assistance at iba pang tulong sa ating mga kababayan na nasa liblib ng pook, lalo na sa nagiging biktima ng mga kalamidad.

Nakapanlulumong mabatid, halimbawa, ang malagim na pagpaslang kamakailan sa Lanao del Norte kay Dr. Dreyfuss ‘Toto’ Perlas, ang Doctor to the Barrios (DTTB) volunteer. At lalong nakalulungkot na malaman na hanggang ngayon, ang mga salarin ay hindi man lamang yata tinutugis ng mga pulis at militar sa naturang lalawigan. Kinailangan pang pasugurin ng Department of Justice (DoJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) upang mabigyan ng katarungan ang nabanggit na boluntaryo. Nakapanghihinayang na hindi man lamang nalasap ni ‘Toto’ ang dangal ng kanyang nominasyon bilang Bayani ng Kalusugan.

Ang naturang nakadidismayang insidente ay kahawig ng sinapit na kapalaran ng isa ring volunteer group na magkakaloob ng mga relief goods sa mga biktima ng malakas na lindol sa Surigao City.

Pinaputukan ng mga rebelde at masasamang loob ang nasabing grupo na ang makabuluhang misyon ay upang saklolohan ang mga sinalanta ng kalamidad. Hindi ba ito ay isa ring maliwanag na pagpapabaya ng mga alagad ng batas sa pangangalaga sa kaligtasan ng ating mga kababayan na walang ibang hangarin kundi magsagawa ng charity mission? Marami pang gayong malalagim na insidente ang duamrating at sinusuong ng mga volunteer workers.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Higit pa sa tradisyon, si Hesus ang sentro ng Pasko

Sa kabila ng gayong mga panganib, natitiyak ko na hindi natitigatig ang ating kababayang volunteers na kabilang sa iba’t ibang organisasyong pangkawanggawa. Hindi pa man halos tumitigil ang pagyanig, paghambalos ng bagyo at paghupa ng baha, sumusugod na ang volunteers sa mga sinasalanta ng kalamidad. Hindi nila alintana ang panganib na maaaring makasagupa nila; ang mahalaga ay masaklolohan ang mga nangangailangan. Natitiyak ko rin na ang ganitong makabayan at makatuturang misyon ng ating mga kababayan ay hindi manlalamig; bagkus ay lalo pang sisigla.

Hindi dapat maging manhid ang administrasyon sa gayong mga pagsisikap. Ang nabanggit na grupo ng mga boluntaryo ang mistulang sumasagip sa mga pagkukulang ng gobyerno sa mga gawaing pangkawanggawa na malimit malimutan o talagang kinakaligtaan.

Hindi rin dapat magwalang-bahala ang ating mga pulis, sundalo at iba pang alagad ng batas sa pagkakaloob ng seguridad sa mga volunteer workers upang maligtas naman sila sa kalupitan ng mga tampalasan. (Celo Lagmay)