MULING ibinalik at inilunsad ang giyera kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos bumuo ng grupo ang Philippine National Police (PNP) na mangangasiwa at sasabak sa nasabing kampanya kontra droga.

Ang bagong pangkat ay tinawag na PNP Drug Enforcement Group (DEG) na ipinalit sa binuwag na Anti Illegal Drug Group (AIDG) na nasangkot at sumabit sa pagdukot at pagpatay sa isang negosyanteng Koreano. Kinuha sa Angeles, Pampanga at saka pinatay sa Camp Crame kahit nagbigay na ng P5 milyon ang maybahay ng kawawang biktima. Nang malantad ang katarantaduhan ng ilang tiwaling pulis na sumira sa imahe ng PNP, binuwag ang AIDG. Kinasuhan ang mga tiwaling pulis habang patuloy naman sa paghihintay ng katarungan ang pamilya ng pinatay na negosyanteng Koreano.

Ang muling pagbabalik ng giyera kontra droga ay tinawag na “Oplan Tokhang Double Barrel” at ayon kay PNP Chief Director General Ronald dela Rosa ay hindi na ito magiging marahas. Titiyakin umano niya na hindi na gaanong madugo kung hindi manlalaban ang mga drug suspect.

“This time, we will make sure that this will become less bloody if not bloodless campaign. Our aim is a bloodless campaign...basta walang lumalaban, walang dadanak na dugo.”Dagdag pa ni Dela Rosa: “It will be the local police who would do that job in coordination with the barangay officials. This means that it will always the policemen in uniform and barangay officials who would do the Tokhang.”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang Tokhang na maraming napatay na mga drug pusher at user ay ang pagkatok sa bahay ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga upang pakiusapang sumuko. Sa nakalipas na anim na buwan mula nang ilunsad ang giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, umaabot na sa 7,600 ang napatay sa loob ng bahay at mga tabing kalsada.

Sa Oplan Tokhang 2, inanyayahan pa ng hepe ng pambansang pulisya ang mga pari at pastor na sumama sa giyera kontra droga. Ang sagot naman ng Simbahan ay hindi na kailangang makibahagi ang mga lider ng simbahan sa Oplan Tokhang ng pamahalaang Duterte. Ayon kay Emeritus Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz, hindi nila kailangang sumama sa mga operasyon ng pulisya para sa Oplan Tokhang dahil hindi nila ito trabaho. Dagdag pa ni Cruz: “The intention is good but it would be ironic to see priests there in the police work and then the police will be the ones to say mass.”

Ayon naman kay Father Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), hindi na kailangang may sumamang pari sa mga operasyon ng pulisya sapagkat sapat na ang sinasabi ni Dela Rosa na may mga gagawing pag-iingat ang pulisya upang maiwasan ang mga pang-aabuso.

Marami naman sa ating mga kababayan ang mga napapa-look up na lang matapos sabihin na hindi na magiging madugo ang Oplan Tokhang 2. May nagsabi na minumura na nga ni Pangulong Duterte ang mga pari at ang Simbahan ay isasama pa sa operasyon.

Eh, baka naman kaya gusto ni Dela Rosa na may mga paring kasama ay upang bendisyunan ang mga mapapatay na suspek?

(Clemen Bautista)