ZAMBOANGA CITY – Apat na kilabot na miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG), kabilang ang kaanak ng pangunahing leader ng grupo na si Isnilon Hapilon, ang napatay sa 30-minutong pakikipagbakbakan sa militar nitong Miyerkules, ayon sa Joint Task Force Basilan at Basilan Police Provincial Office.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesman Capt. Jo-Ann Petinglay, tumagal ng 30 minuto ang bakbakan ng militar sa 15 bandido, sa pangunguna ni Ustadz Mobin Kulin, alyas Mulawin, pinsan ni Hapilon, mula sa Tapiantana Island sa Basilan.
Kinumpirma ni Capt. Petinglay ang pagkasawi ni Kulin at ng tatlong iba pa batay sa mga bangkay na narekober sa lugar ng sagupaan.
Aniya, aktibo si Kulin sa Lantawan, Basilan at sangkot sa pagsalakay sa Lamitan at sa pagdukot sa Dos Palmas.
Nasamsam din ng militar ang ilang matataas na kalibre ng baril at war materials, kabilang ang isang Barret, isang rocket-propelled grenade na may tatlong bala, at 12 grenade rifle na pawang pag-aari ng ASG.