NAIHATID na sa kanyang huling hantungan ang talent manager at influential talent coordinator ng ABS-CBN na si Cornelia Lee o mas kilala bilang si Tita Angge sa South Cemetery, Makati City nitong Miyerkules ng tanghali na dinaluhan ng buong pamilya at mga kaibigan sa loob at labas ng entertainment industry.

Bago inilibing si Tita A ay nagkaroon muna ng misa sa loob ng ABS-CBN Chapel para masilayan din siya ng mga kasamahan sa Kapamilya Network na hindi nakadalaw sa burol sa Arlington Funeral Homes.

Sa ilang gabi naming nakikita sa burol si Sylvia Sanchez, isa sa talents ng yumao, ay hindi namin siya nakitang umiyak at hindi nga rin daw siya mapaiyak sa taping ng The Greatest Love na puro iyakan ang umeereng kuwento ngayon.

Pero sa huling misa para kay Tita Angge, hindi na napigilan ng aktres na humagulhol at dahil walang patid ay nanghina siya na ikinataranta ng lahat. Nang makunan ng blood pressure, pinagpahinga muna si Sylvia para umayos ang karamdaman.

Tsika at Intriga

Herlene kay 'Kuya' ng PBB: 'Pasok mo ko, talakan ko lang mga namamlastik kay Ashley!'

Hindi na niya nagawang pumunta sa libing dahil sa sobrang init at baka tuluyan na siyang mahimatay, kaya ang mga anak niyang sina Ria, Gela, Xavi na panay din ang iyak at asawang si Art Atayde ang pumunta.

Hindi rin nakasama si Arjo na may taping ng FPJ’s Ang Probinsyano, pero nasa misa naman siya nang umagang iyon at ilang gabing naglamay sa burol.

Post ni Arjo sa kanyang social media account, “You may not be my biological grandmother but you were so much more than that. 26 years of my life means 26 years of loving you. I will miss you so much.”

Bagamat matagal nang naihanda nina Ibyang at pamilya niya ang kahahantungan ni Tita A simula nang ma-comatose ito noong nakaraang taon, iba pa rin daw pala ang pakiramdam kapag nandiyan na.

“Ayaw ko siyang mawala kasi for 23 years siya ang dahilan kaya ako nakilala nang husto, pero nile-let go ko na siya kasi ayaw ko na siyang mahirapan pa. Salamat, Tita A sa lahat ng nagawa mo sa career ko at sa pamilya ko. Hindi ka namin makakalimutan,” sabi ng The Greatest Love lead star.

Balik-tanaw lang tayo ng konti, Bossing DMB, galit na galit si Tita A noon kay Ibyang at kay Papa Art dahil ilo-launch na sana ang aktres sa pelikulang Scorpio Nights 2 sa direksyon ni Erik Matti pero hindi natuloy dahil nabuntis na siya kay Arjo.

Mas pinili ni Ibyang na ituloy ang pagbubuntis kapalit ng stardom dahil takot siyang gumawa ng isang bagay na pagsisihan niya habang buhay.

Hanggang sa umokey na at nakabalik na sa showbiz si Sylvia na puro support lang ang nakukuhang roles, na okay lang dahil naniniwala siyang hindi pa talaga tamang panahon para magkaroon ng sariling pelikula.

Hanggang sa nasundan si Arjo ni Ria na habang lumalaki ay isinasama-sama niya sa taping ng Esperanza, kaya siguro naimpluwensiyahan dahil binabasa rin nila ang script ng nanay nila.

Sino ang mag-aakala na ang dahilan ng hindi pagtuloy ni Ibyang sa Scoprio Nights 2 ay si Joaquin Tuazon na ngayon ng FPJ’s Ang Probinsyano? At ang direktor na dapat magdidirek sa launching movie ng aktres na si Erik Matti ang siyang magiging direktor ni Arjo sa OTJ mini-series na mapapanood sa HOOQ kasama pa si Ria.

Hindi talaga masasabi kung ano ang tadhanang nakalaan para sa aktres na panay ang pasasalamat sa mga nangyayari sa buhay nilang mag-iina sa showbiz at binigyan siya ng asawang naiintindihan siya sa lahat ng bagay.

Nasaksihan din namin kung gaano kamahal ni Tita A si Papa Art kahit lagi silang nagbu-bully-han dahil nga pikon ang una na lalo namang inaasar ng huli.

“Pero kapag dumarating si Tita A galing ng ibang bansa, mas marami siyang pasalubong kay Art. Sabi ko nga, bakit ako walang pasalubong, eh, sa akin ka kumikita? ‘Tapos lagi pa kayong nag-aaway na dalawa?” kuwento ni Ibyang sa amin noon.

Kung hindi pa lubusang kilala ay napagkakamalang suplado si Papa Art at parang hindi puwedeng kausapin, pero napakabait at maalalahanin. Katunayan, siya pa ang unang magtatanong kung kumain ka na kapag dumalaw ka sa bahay nila.

Hindi nakitang umiyak si Papa Art sa burol at libing ni Tita A, “Kasi nauna na siyang umiyak sa bahay, ayaw niyang ipakita, pero nakita ko na panay ang punas niya ng mata niya. Wala na kasi siyang mabu-bully, wala na siyang maaaway,” kuwento ni Ibyang. (REGGEE BONOAN)