PITONG proyekto sa irigasyon, na nagkakahalaga ng kabuuang P28 milyon, ang itinatayo ngayon sa Aurora at nasa iba’t ibang yugto na ang pagkumpleto sa mga ito.
Inihayag ni Engineer Danilo M. Mangaba, hepe ng Aurora Provincial Irrigation Office sa bayan ng San Luis, na inaasahang makatutulong ang mga proyekto sa 4,000 magsasaka at miyembro ng national irrigation systems (NIS) at communal irrigation systems (CIS).
Ayon kay Mangaba, ang mga proyekto sa iba’t ibang bayan sa probinsiya ay ang P4.7 milyon na 60-ektaryang Reserva CIS sa Baler; ang P4.7 milyon na Diamanen CIS sa Dipaculao; ang P4.6-milyon na Kabitukulan CIS at P4.6 milyon na Galintuja CIS, parehong nasa bayan ng Maria Aurora; ang Amro River Irrigation System (ARIS) sa Casiguran; ang P2.6 milyon na Talaytay CIS sa Dinalungan; at ang P1.8 milyon na Disalit CIS sa San Luis.
Sa pitong proyekto, ibinahagi niya na ang Amro River Irrigation System, na itinayo ng Morning Steel Construction, at ang Talaytay CIS ng A to Z Construction ay natapos na, habang 50 porsiyento pa lamang ang natatapos sa Diamanen CIS.
Kabilang sa konstruksiyon ang bagong irigasyon at pagpapanumbalik, rehabilitasyon, at pagsasaayos sa mga canal.
Nanalo sa bidding ang Allen Construction na nakabase sa Nueva Ecija para sa Reserva CIS, Kabitukulan CIS, Galintuja CIS at ang Disalit CIS, habang ang Ruby Jade Construction ang nagtatayo ng Diamanen CIS.
Mayroong 4,014 na magsasaka at miyembro ng CIS sa probinsiya, ang pinakamarami ay nasa Casiguran na may 1,525 magsasaka makikinabang sa Amro River Irrigation System, na itinuturing na NIS.
Sa kabuuang 312,891 ektarya ng probinsiya, limang porsiyento rito, o 16,407 ektarya, ang itinuring na potensiyal na lugar para sa pagpapaunlad ng irigasyon.
Nasa 58 porsiyento ang kasalukuyang antas ng irrigation development sa Aurora, nasasakupan ang 9,551 ektarya sa kabuuang 16,407 ektarya. (PNA)