May pag-aalinlangan ang gobyerno sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa mga komunistang rebelde sakaling hindi talaga kayang makatupad ng mga ito sa ilang mahahalagang kondisyon, kabilang na ang pagpapatigil sa pag-atake sa mga tropa ng pamahalaan.

Ito ay matapos na kondenahin ni Presidential Spokesman Ernesto Abella ang pagpatay ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa apat na pulis, sinabing tiyak na makaaapekto ito sa isinusulong na pagpapatuloy ng peace talks ng gobyerno sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF)-NPA.

“How it would affect? It will provide some sort of influence but, however, there’s a bigger thing which is the pursuit of peace,” sinabi ni Abella sa news conference sa Malacañang kahapon.

“I cannot quantify but I’m sure quality-wise, it will influence the talks,” aniya, idinagdag na dapat na magkaroon ng “firmer action” ang CPP-NDF sa pagkontrol sa mga aktibidad ng armadong sangay nito, ang NPA.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

ALL-OUT WAR!

Samantala, sa ambush interview kahapon ay sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa siyang maglunsad ng all-out war laban sa NPA, kahit pa abutin ito ng panibagong 50 taon.

Sinabi ito ng Pangulo matapos niyang kondenahin ang pananambang at pagpatay ng mga rebelde sa apat na pulis sa Davao del Sur nitong Miyerkules.

Nasawi sa pananambang sa bayan ng Bansalan sina PO1 Rolly Benelayo, PO1 Joe Narvasa, PO1 Saro Mangutara, pawang ng Bansalan Municipal Police; at PO3 Hayden May Raden, ng forensic unit ng Digos City Police Office. Nasugatan naman si PO3 Allen Amado.

Nabatid na makaraang pasabugan ng landmine ang sinasakyang police patrol, pinagbabaril pa ng NPA ang mga pulis sa loob ng sasakyan.

Ayon kay Abella, inaasahan ng gobyerno na ititigil na ng NPA ang mga pag-atake nito sa militar at pulisya, ihihinto ang pangingikil, at palalayain ang mga bihag bago magpatuloy ang usapang pangkapayapaan.

“The President has actually laid down some conditionalities. Well, basically, some things that he would like — he would like the CNN, the CPP-NPA-NDF, to abide by, for example, that they should stop extortion and that there should be a bilateral ceasefire,” sabi ni Abella.

Ilang araw na ang nakalilipas nang aminin mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroong backchannel efforts ang pamahalaan para sa posibilidad na magpatuloy ang peace talks sa Abril.

MAY MANANAGOT

Kasabay nito, nangako kahapon si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ismael Sueno sa pamilya ng apat na nasawing pulis na makakamit ng mga ito ang hustisya, makaraan niyang atasan ang Philippine National Police (PNP) na bumuo ng grupong tututok sa pagdakip sa mga responsable sa ambush.

Hinamon naman kahapon ni Lt. Daryll Cansancio, tagapagsalita ng 73rd Infantry Batallion ng Philippine Army, ang mga militanteng grupo na ipahayag ang kanilang pagkondena sa mga pumaslang sa apat na pulis.

(GENALYN KABILING, ARGYLL CYRUS GEDUCOS at FER TABOY)