Pinabulaanan kahapon ng mga Katolikong eskuwelahan sa Oriental Mindoro ang sinabi ni Rep. Reynaldo Umali na sinusuportahan nila ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.

Sa isang-pahinang pahayag, sinabi nina Father Anthony Ibarra Fabella, presidente ng Divine Word College of Calapan (DWCC); at Fr. Vicente Uy, superintendent ng Apostolic Vicariate of Calapan Parochial Catholic Schools (AVCPS) na itinatanggi nila ang pahayag ng kongresista, at iginiit na mariin nilang tinututulan ang death penalty.

“What is said to be sentiment or opinion of Catholic schools in favor of death penalty is erroneous, malicious, atrocious and fictitious,” sinabi nina Fabella at Uy.

Nilinaw nilang mariing tinututulan ng mga administrator, mga academic at non-academic personnel, at mga estudyante ng DWCC at AVCPS sa Oriental Mindoro ang parusang kamatayan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“We believe that the death penalty is an offense to the sanctity of life and to the dignity of the human person. It contradicts God's commandments: ‘Thou shalt not kill’. It is unacceptable however grave the crime of the convicted person,” anila. “We stand (then and now): No to death penalty!!!”

Matatandaang inendorso ni Umali, chairman ng House committee on justice, ang pag-apruba ng plenary sa death penalty bill at sinabing maging ang mga Katolikong paaralan at mga lokal na opisyal sa lalawigan ay pabor sa pagbabalik ng parusang kamatayan, matapos niya umanong pulsuhan ang mamamayan ng probinsiya.

Kabilang si Umali sa 217 kongresista na bumoto pabor sa House Bill 4727 o ang death penalty bill, na opisyal na inaprubahan ng Kamara nitong Martes. (Charissa M. Luci)