Kasalukuyang nagpapagaling ang isang lalaki na pinagtulungang gulpihin at saksakin ng isang grupo ng kalalakihan, pawa umanong miyembro ng gang, sa isang tulay sa Taguig City, nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Bernie Codilla y Delos Santos, nasa hustong gulang, ng Barangay Sta. Ana, nagtamo ng isang saksak sa likod at mga pasa sa katawan.
Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang Taguig City Police laban sa isang grupo ng mga lalaki na responsable sa naturang insidente.
Sa ulat ng Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO), dakong 11:00 ng gabi nangyari ang panggugulpi at pananaksak sa Bambang Bridge, Bgy. Santa Ana, Taguig City.
Nag-aabang ng masasakyan si Codilla at kanyang kaibigan, hindi binanggit ang pangalan, sa nasabing tulay nang lapitan sila ng mga suspek at tuluyang ginulpi at sinaksak ang biktima. (Bella Gamotea)