A true professional, kahit medyo maga at mapulang-mapula ang kanang pisngi ni Julie Anne San Jose, humarap pa rin siya sa press people na dumalaw sa set ng Pinulot Ka Lang Sa Lupa.
Intense daw kasi ang eksena nila ni Jean Garcia at nasampal siya nito.
“Dalawang beses na po akong nasasampal sa taping,” napangiting kuwento ni Julie. “Una kay Ate LJ (Reyes) na gumaganap na Angeli, ang kaaway kong mortal dito sa series namin. At ngayon nga, kay Ms. Jean, first time niya akong nasampal dito. Opo, masakit, pero mas gusto ko itong todo na ang sampal, para take one lang, dahil kung hindi pasado kay Direk Gina (Alajar), uulitin pa namin, mas masakit iyon. Basta ini-ready ko na po ang cheek ko.”
Mas mahirap nga raw ang sampalan dahil hindi ito puwedeng pekein.
“Mas gusto ko po iyong nararamdaman ko para maka-react ako, kaysa ipi-fakce ang sampal. Iyong suntukan, p’wedeng dayain, pero ang sampal, mahirap.”
Binati rin si Julie sa mataas na rating ng kanilang afternoon prime na napapanood araw-araw sa GMA-7, pagkatapos ng Legally Blind.
“Nagpapasalamat din kami ng buong cast sa pagsubaybay nila sa aming serye. Iyong mga intense scenes namin, pinaghahandaan talaga namin dahil iyon naman ang goal namin, to entertain people. Kaya sa bawat eksena, we are all passionate in our crafts, we feel the scene para maibigay namin ang acting na kailangan, we help each other, kaya magandang lumalabas. Iyon pong ratings na natatanggap namin, bonus na lamang namin araw-araw, na nagiging inspirasyon namin. Salamat po.”
Magkatabing kausap ng press si Julie at ang nali-link sa kanyang si Benjamin Alves kaya tinanong sila kung ano na ba ang level ng relasyon nila. Ngumiti lang ang dalawa, pero batay sa halos hindi paglayo si Benj sa tabi ni Julie, alam mo nang may something. Kahit ang tanong kung kailan sinagot ni Julie si Benj, basta raw nagsi-celebrate sila ng monthsary kung kailan nabuo ng fans ang love team nila, at sa May daw ay one year na sila.
Ang sagot na lang nina Julie at Benj: “Basta masaya kami tuwing magkasama.” (NORA CALDERON)