Tawag ng Tanghalan grand finalists Froilan, Noven, Rachel, Sam, Eumee, Pauline, Maricel, Marielle, Carlmalone, Mary Gidget copy

LAHAT ng finalists ng “Tawag ng Tanghalan” sa It’s Showtime, na mapapanood na bukas ang championship round sa Resorts World, ay matindi ang pangangailangan. Kaya lahat sila masidhi ang hangaring maiuwi ang bahay at lupa at dalawang milyong premyo.

Plano ng bulag na si Carlmalone Montecido na magtayo ng negosyo, magbahagi sa simbahan, at itabi para sa kanyang pag-aaral.

Ang kinatatakutan ng ilan na si Froilan Canlas na tubong Bato, Camarines Sur ay gustong madagdagan ang resources para sa mga batang tinuturuan niya sa pagtugtog ng musical instruments sa bayan nila. Marami rin siyang hinahasang kabataan sa volleyball.

Mga Pagdiriwang

Philippine Book Festival, sinimulan na!

“Mas malaki po ‘yung chance ko para makatulong kasi magkakaroon ako ng influence, bigger connection. Hindi ko po kakalimutang tumulong sa amin,” say ni Froilan.

Ayon naman kay Noven Belleza, “Simpleng magsasaka lang po ako na nangarap, hindi ko lang po mabibigyan ng magandang buhay ang pito kong mga kapatid, mabibigyan ko sila ng edukasyon kasi pag-aaralin ko sila kung sakaling manalo po ako.”

“Sa bahay po,” wika naman ni Rachel Gabreza, “wala po kaming sariling bahay kaya titirhan po namin, at para makatulong naman po sa kapatid ko sa business niya.”

Sabi ni Sam Mangubat, “If ever manalo po ako, ‘yung church po namin gusto kong magpagawa ng isang malaking building at itulong po sa family kasi ngayon lang po ako nakakabawi sa kanila at maraming utang na kailangang bayaran.”

“Bago po ako sumali sa ‘TNT,’ naging OFW (overseas Filipino worker) po ako and napakahirap pong magtrabaho doon mag-isa lalo na kapag may pinagdadaanan ka ‘tapos wala kang ibang kasama kundi sarili mo lang. Gusto ko po sana, mabigyan magulang ko ng business para hindi na ako mag-abroad para magkasama-sama na po kami rito. Kasi kami lang po ng kuya kong nasa Japan ang sumusuporta sa family namin,” kuwento naman ni Eumee Capili.

Ani ni Pauline Agupitan,“’Yun pong bahay at lupa po, doon po kami titira kasi wala kaming sariling bahay, saka pangtulong ko rin kina Mama at Papa para sa pampaaral ng mga kapatid ko.”

Dati ring OFW si Maricel Callo, at aniya, “If ever na ako ang palaring manalo, lahat po dito, ako lang po ‘yung may sarili nang family, may tatlong anak, so if ever po, it’s a dream come true po kasi wala pa kaming bahay. Sa pera naman po, magtatayo po kami ng business, music studio po kasi sa amin po sa Pagadian City walang music studio.”

Si Marielle Montellano naman, “Isi-share ko po sa family ko, iyon naman ang reward kong gagawin. After po ng ‘TNT,’ plano kong ipagpatuloy ang pag-aaral ko at ‘yung ibang money na mapapanalunan ko, gagawa po ako ng outreach programs po, para maibalik din ‘yung pag-inspire sa akin ng mga bata po.”

At si si Gidget de Llana, “Same rin po sa mga sinabi nila, kasi kami po wala kaming sariling bahay, sa lolo ko po ‘yung bahay at nakikitira kami na sira-sira na rin po. Kaya plano kong ipagawa, saka kailangan ko pong magbayad ng mga utang na matagal na rin po na ‘pag naiisip ko, naiiyak na lang po ako. ‘Tapos magtatayo po ng business para mapaikot po ‘yung pera.”

Samantala, as of press time ay nagkakaroon ng problema sa special guest hurado ng ‘TNT’ na si Ms. Nora Aunor dahil ayon sa inside information na nakarating sa amin ay tila naharang daw ang guesting ng superstar sa hindi malamang dahilan.

Nagulat kami dahil ang alam namin ay umokey na si Nora bukas sa It’s Showtime, ano’ng nangyari? (REGGEE BONOAN)