HINDI maganda ang karanasan ng ilang katoto sa isang aktor na nainterbyu nila kamakailan tungkol sa mga pinagdadaanan nito sa personal na buhay.
Ang aktor mismo ang nag-post sa social media ng mga detalye ng mga problema niya kaya nagkainteres ang mga katoto na kapanayamin siya tungkol dito at hingan na rin ng iba pang mga detalye at update.
Pero biglang nabago ang mga pahayag ng aktor, tila asiwa na habang tinatanong at panay ang tanggi. Matunog siyempre ang mga katoto, kaya hindi na sila nangulit.
Ang siste, nagsumbong ang aktor sa kaanak at sinabing kinukulit siya ng mga katoto sa isyung ayaw na niyang pag-usapan dahil tapos na at okay na.
Kaya ang ending, hinahanap ngayon ng pinagsumbungan ang mga katotong nag-interbyu sa aktor para kausapin.
Heto na, nagkita sa isang programa ang aktor at ang isang reporter na nag-interbyu sa kanya sabay tanong ng pangalan ng aming katoto. Naloka ang kasamahan namin sa panulat at ang ganting tanong, “Why do you ask?” Tila hindi handa ang aktor sa sinabi ng katoto kaya bigla na lang umalis nang walang sabi-sabi.
Nakakaloka naman kasi ang ibang artista, lalo na ang mga baguhan. Ang hilig-hilig magpo-post sa social media ng kani-kanilang mga problema o reklamo ‘tapos kapag tinanong na ng reporters, biglang maiinis o magde-deny, at kesyo ayaw na nilang pag-usapan.
Hello, kung ayaw ninyong mapag-usapan, huwag kayong mag-uumpisa ng topic! Gagawa-gawa ng bagyo, natatakot naman palang mahanginan.
Natatawa tuloy kami sa aktor nang nakita namin nitong Miyerkules ng hapon nang bumaba ng sasakyan, kuntodo nakatakip ang mukha ng suot na hoodie at nagmamadaling maglakad sa maraming tao sa dinaraanan niya, feeling sikat, at parang umiiwas na may magpa-picture. Susme, ni wala nga namang pumansin kahit isa maski na maraming nakakilala sa kanya.
Kandahabol tuloy ang kasama niyang maliit na yayang may bitbit na bag sa kamamadali niya. Walang galang sa mga babae.
Feeling namin, Bossing DMB, mahihirapang sumikat si Paimportanteng Aktor. Kasi, unang-una, ang dami niyang hugot sa sarili na ayaw niyang i-let go. Ikalawa, may attitude problem pala siya, sabi mismo ng mga nakakatrabaho niya. Kaya nga raw hindi na matapus-tapos ang ginagawang pelikulang isa siya sa cast. (Reggee Bonoan)