UPPER_090317_mightyCigarrettes_17_vicoy copy

Inaresto ng mga tauhan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ang tatlong empleyado ng Mighty Corporation, isang kumpanya ng sigarilyo, dahil sa ilegal at “kahina-hinalang” pagtapon ng mga kahon ng sigarilyo sa tambakan ng basura sa Parañaque City, nitong Miyerkules ng gabi.

Inaresto si Elmer Quintero, 46, driver ng L300 closed van na kanyang ginamit sa pagtatapon ng mga kahon, at kanyang dalawang kasama na sina Junmar Luna at John Ray Linatoc sa isang tambakan ng basura sa Dra. A. Santos Avenue, Barangay San Dionisio, Parañaque City.

Ayon kay Bernie Amurao, hepe ng CENRO-Parañaque, sabay-sabay inaresto sina Quintero, Luna at Linatoc nang mamataan sila sa pagtatapon ng 20 kahon ng sigarilyo na naglalaman ng daan-daang kaha ng sigarilyo, dakong 5:00 ng gabi.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Una rito, bandang 1:00 ng tanghali, namataan na ng ilang residente ang tatlong suspek sa pagtatapon ng dalawang kahon ng sigarilyo. Gayunman, nang sila’y bumalik, hindi nila alam na inalerto na ng mga residente ang CENRO officers at Traffic Management Enforcement Unit na naging sanhi ng kanilang pagkakaaresto.

Ayon kay Chief Inspector Allan Abaquita, head ng Parañaque police investigation unit, nilabag nina Quintero, Luna at Linatoc ang Presidential Decree No. 825 o Improper Disposal of Garbage.

HINDI MAKALALABAS NG BANSA

Nakaalerto ang mga tauhan ng Bureau of Immigration matapos maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang Department of Justice laban sa magkapatid na Alexander at Caesar Wongchuking, may-ari ng Mighty Corporation.

Sa pag-uutos ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre, kinakailangang ipagbigay-alam agad sa kanilang tanggapan sa oras na magtangkang lumabas ng bansa ang magkapatid. (MARTIN A. SADONGDONG, BELLA GAMOTEA, BETH CAMIA at MINA NAVARRO)